2 residential care facilities ng LGU-Palawan, akreditado na ng DSWD

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Akreditado na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Standards Bureau ang dalawang residential care facilities ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Ayon kay provincial social welfare and development officer Abigail Ablaňa, dahil pumasa sa pamantayan ng implementasyon ng Center-based Residential Programs ay parehong Level 2 ang akreditasyon na iginawad ng DSWD sa Bahay Pag-asa Youth Center (BPYC) at Luwalhati Women Center (LWC).

Paliwanag pa ni Ablaňa, nakasaad sa certificate of accreditation na limang taon ang bisa ng akreditasyon para sa BPYC at ito ay mula Mayo 14, 2024 hanggang Mayo 15, 2029. Samantala, limang taon din ang bisa ng akreditasyon para sa LWC at ito naman ay mula Abril 8, 2024 hanggang Abril 9, 2029.

“Malaking tagumpay ang Level 2 Accreditation ng BPYC at LWCP dahil nangangahulugan na nahigitan nito ang mga pamantayan at standards na tinatalaga ng DSWD para sa mga residential care facilities katulad ng maayos na administrasyon at staffing, may mga epektibong programa na tumutugon sa pangangailangan ng mga kliyente, maayos na pangangasiwa sa mga kaso ng bawat kliyente at sapat ang mga kinakailangan na interbensyon at pasilidad. Lahat ng ito ay tungo sa ating pagsiguro sa pinakamabuting interes ng mga kabataan at mamamayang Palawenyo na may matatag, maginhawa at panatag na buhay,” pahayag ni Ablaňa.

Ang BPYC ay nagsisilbing tahanan ng Children in Conflict with the Law (CILC) habang sila ay sumasailalim sa repormasyon. Naitatag ito noong Marso 21, 2016.

Ang LWC naman ay nagsisilbi ding pansamantalang tahanan ng Women in Especially Difficult Circumstances (WEDC) and Children in Need of Special Protection (CNSP) na naitatag noong Hunyo 23, 2006.

Simula nang maitatag ang BPYC ay umabot na sa 195 CILC ang natulungan nito samantalang ang LWC naman ay umabot na sa 425 indibiduwal ang naserbisyuhan nito.

Dahil sa akreditasyong ito, makakatanggap ng monetary incentive mula sa DSWD ang dalawang pasilidad na nagkakahalaga ng tig-P30,000.00, ayon kay Ablaňa. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

In other News
Skip to content