Benepisyaryo ng 4Ps sa Occidental Mindoro, halos 40K households ngayong 2024

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Umabot na sa 39,746 active households ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa 11 bayan sa lalawigan ngayong 2024, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang nasabing bilang ay ipinabatid ni Provincial Link Kathryn Bulla ng 4Ps sa ginanap kamakailan na ikalawang pulong ng Provincial Inter-Agency Committee (PIAC) sa Kapitolyo. Layon ng gawain na maibahagi ng DSWD ang kanilang mga nagawa, gayundin ang mga usapin at pangangailangan ng kanilang mga benepisyaryo, at tukuyin ang mga tulong na maaaring ipagkaloob sa mga ito ng mga kasaping ahensya at tanggapan ng PIAC.

Sa ulat ni Bulla, ang bayan ng San Jose ang may pinakamaraming benepisyaryo ng 4Ps sa lalawigan na higit 10,000 active households (HH), sinundan ng Sablayan na may 6, 831 HH, Abra de Ilog na may 3,800 HH, Sta Cruz na may 3, 735 HH, Magsaysay 3,531 HH at Rizal na may 3,299 HH. Higit naman sa tig-2,000 HH mayroon sa Calintaan at Mamburao, samantalang 1,843 HH sa Paluan. Natukoy din na benepisyaryo ng 4Ps ang 701 HH ng Lubang at 554 HH ng Looc.

Ayon naman kay Lerma Pantoja ng DSWD-4Ps, sa kabuuang bilang ng 4Ps household beneficiaries sa buong probinsya ng Occidental Mindoro, 484 ay mga katutubo.

Kumpara ng nakaraang taon (2023), bahagyang bumaba ang bilang ng mga active households na napabilang sa 4Ps ngayong taon dahil may mga households na natukoy nang non-poor o hindi na mahirap batay sa pamantayan ng programa, o maaari din na may mga household beneficiary na lumipat ng lugar, o kaya naman ay wala nang miyembro ng household na nag-aaral pa, paliwanag pa ng DSWD.

Samantala, sa unang bahagi ng programa ngayong taon, nagkaloob na ang DSWD ng higit P31 milyon na rice subsidy, P37,294,000 na education grant at P38 milyon na FDS/health grant sa mga 4Ps beneficiaries. (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content