May narating ka na bang paliparan na maaari ring maging pasyalan? Kung hindi mo lubos maisip ang konsepto… mayroon niyan dito sa mahal kong lungsod, ang Puerto Princesa.

Nabigyan ako ng pagkakataon na malibot ang bagong Puerto Princesa International Airport kasama ang ilang mga lokal na mamamahayag dito sa aming lugar. Taong 2014 nang pasimulan ang Airport Development Project sa lungsod, pero ngayon nalalapit na ang pagbubukas nito kaya naman tiyak na mas sasabay ito sa lumalagong industriya ng turismo sa Palawan.

Matiyaga lang naman kaming inilibot ni Engr. Lee Kyujin, Korean consultant to the project manager sa 13,000 sq m na lawak ng terminal building na anim na beses ang lawak kumpara sa luma.

Isa-isang idinetalye sa amin ang konsepto nitong bagong istruktura na kahanga-hanga ang pulidong gawa ng kontraktor na Kumho Industrial Company Limited at GS Engineering and Construction.

Nakakatawag ng pansin ang magandang disenyo sa loob ng arrival area nito … tila baga may tumubong palm tree sa gitna ng parteng iyon. Ang dahon ng palm tree ang siyang nagsilbing kesame. Ipinagmalaki pa ni Engr. Lee na malaki ang matitipid sa kuryente ng konsepto ng proyekto sapagkat may ilang bahagi ang gusali na hindi na kinakailangan pang gamitan ng ilaw.

Higit sa lahat, isa sa mga katiyakang pinanghawakan namin habang naglilibot sa loob ng bagong terminal ng paliparan, ang mga de kalidad na materyales na ginamit sa konstruksyon.

Isinama kami ni Engr. Lee sa parking facility nito na kayang mag-accommodate ng 200 sasakyan. Doon ko namalas ang mala-harding paligid na may mga nakatanim nang iba’t ibang uri ng halaman na aniya ay hindi ma-kunsumo sa tubig dahil mabubuhay ang mga ito kahit bihirang diligan. Mapapansin ding hindi ginalaw ng kontraktor ang mga century-old na punong Acacia sa paligid nito sa halip ay dinisenyuhan at pinalibutan ng iba’t ibang klase ng bulaklak.

Tunay ngang mabubusog na ang paningin mo, mare-relax ka pa sa sariwang simoy ng hangin sa lugar, kaya kami…walang pinalagpas na pagkakataon para makakuha ng larawan sa alin mang anggulo ng paligid. Kung ang Puerto Princesa ay tinaguriang ‘City in the forest’, ang airport nito, maaari ring tawaging ‘Garden in the City’.

Samantala, ang proyektong ito ay pinondohan ng gobyerno mula sa $102M o katumbas ng P4.46B na inutang ng pamahalaan ng Pilipinas sa Export-Import Bank of Korea (Kexim). Mula sa nasabing halaga, $82.9M o 3.755B bahagi nito ang napunta sa konstruksyon. Ito ay babayaran ng gobyerno sa South Korea sa loob ng 40 na taon sa halagang 0.1 interest rate lamang.

Iginawad ang proyekto sa Kumho Industrial Company Limited-GS Engineering and Construction Joint Venture (Kumho GS).

Alinsunod sa tripartite memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng Department of National Defense (DND), noo’y Department of Transportation and Communications (DOTC) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ibibigay sa Philippine Air Force ang lumang paliparan habang ang apron ay mapupunta sa CAAP bilang general aviation para sa mga maliliit na aircraft.

Basta ang masasabi ko, nananabik na ako sa pagbubukas nito dahil ang natitiyak ko malaking bentahe ito hindi lang sa busog na pakiramdam at paningin kundi mas lalo pang paglago ng ekonomiya ng lungsod at lalawigan kong minamahal. (PIA)