Feedback

LUNGSOD NG CABANATUAN, Peb.17 (PIA) -- Sa unang pagpupulong ng konseho para sa mga may kapansanan ngayong taon ay tinalakay ang mga inihahandang proyekto’t programa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan mula sa lalawigan.

Ayon kay Nueva Ecija Association of Persons with Disability President Rudy Mendoza, kanyang ipinagpapasalamat ang patuloy na pagsuporta’t paggabay ng mga ahensya ng pamahalaang nagtataguyod at bumubuo ng Provincial Council on Disability Affairs o PCDA na layong mapalakas ang sektor ng mga may kapansanan.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga hinanay na programa ng iba’t ibang ahensya gaya ang pagbibigay ng mga kasanayan bilang karagdagang oportunidad sa pangangailangang pangkabuhayan ng grupo.

Kabilang rito ang pagsasanay ukol sa vermiculture at iba pang organic agriculture program ng Department of Agriculture, bamboo processing training ng Department of Trade and Industry, at pondong pangpuhunan na ibinahagi ng Department of Labor and Employment sa paggawa ng mga upuang pang-eskwela na bibilhin naman ng Department of Education.  

Ipinahayag din ni Armida Torres ng Provincial Health Office na mayroong libreng konsultasyong medikal at mga gamot sa mga Rural Health Unit o RHU para sa mga PWD na mayroong sakit na nangangailangan ng regular na medikasyon tulad ng Hypertension, Diabetes, sakit sa puso at bato.

Kaya’t tumungo lamang sa pinakamalapit o nakasasakop na RHU sa tinitirhang lugar upang makakuha ng libreng serbisyong medikal.

Bukod pa aniya rito ang libreng bakuna o immunization na isinasagawa taun-taon para sa mga senior citizen na PWD kontra flu at pneumonia.

Ibinalita din ni Berrie Bautista ng Provincial Social Welfare and Development Office na sa darating na ikalawa ng Marso ay tutungo sa lalawigan ang AKAP Pinoy Foundation na tutulong sa 30 may kapansanang mabibiyayaan ng libreng wheelchair.

Para sa mga interesado ay tumungo lamang sa nasabing petsa, alas-nuwebe ng umaga sa Senior Citizens Center, ELJMH Compound, Barangay Bitas sa lungsod ng Cabanatuan.

Samantala, inaasahan namang maipapasa sa taong ito ang ordinansang gawing opisyal ng departamento at sangay ng pamahalaang panlalawigan ang tanggapan ng Provincial Disability Affairs Office na kasalukuyang nakahimpil sa punong tanggapan ng kapitolyo. (CLJD/CCN-PIA 3)