Feedback

LUNGSOD NG CABANATUAN, Peb.17 (PIA) -- Patuloy na nananawagan at lumalapit sa mga lokal na pamahalaan ang Nueva Ecija Association of Persons with Disability o NEAPWD upang maging katuwang sa pagpapalakas sa sektor at pagpapatibay sa tinatamasang karapatan.

Ayon kay NEAPWD President Rudy Mendoza, ito ay para sa lahat ng pamunuang nangangasiwa sa bawat lokalidad na buksan ang kalooban para sa mga nangangailangang may kapansanan na mabigyang pagkakataong mapalakas ang sarili at makita ang katayuan sa lipunang ginagalawan.

Aniya, dahil tulad ng isang ordinaryong mamamayan ang mga may kapansanan ay mayroong dignidad at karapatang mamuhay at matamasa kung ano mayroon ang ibang tao.   

Inihalimbawa ni Mendoza ang pamahalaang bayan ng Guimba at Laur na ginawaran ng pagkilala nitong nakaraang taon bilang natatanging munisipyo at Hall of Famer na mayroong malasakit sa sektor.

Ito aniya ay dahil sa kanilang aktibong pakikipag-ugnayan sa sektor, mayroong focal person o aktibong lider na tumitingin sa mga pangangailangan ng mga nasasakupang may kapansanan, at nakapagtatatag ng mga programa higit ay tanggapan o opisina para sa sektor.

Paliwanag pa ni Mendoza, hindi naman lahat ay kanilang hinihingi ngunit malaking bagay na sa mga may kapansanan na magawang mapansin ang kanilang karapatan at mga pangangailangan.

Ang kanya namang paalala sa mga kapwa PWD, lumabas, makilahok, at tamasahin ang karapatan bilang isang indibidwal at mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)