LUNGSOD NG BUTUAN, Abril 19 (PIA) - Dahil sa mainit na pagtanggap ng ibat-ibang sektor sa imbitasyon ng Philippine Information Agency (PIA) Caraga, naging matagumpay ang ginanap na forum sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN dito sa lungsod ng Butuan kamakailan.

Ayon kay deputy director general Gregorio Angelo Villar ng PIA, ang nasabing ASEAN forum ay isa lamang sa napakaraming paraan ng ahensya upang mapalaganap sa publiko ang mahahalagang impormasyon patungkol sa mga benepisyo at oportunidad na makukuha ng mga Pilipino sa gaganaping ASEAN summit kung saan ang Pilipinas ang syang host sa taong ito.

Dagdag pa ni DDG Villar, malaki ang maitutulong ng ibat-ibang sektor sa pagbibigay impormasyon tungkol sa ASEAN lalung-lalo na doon sa liblib na barangay na kinabibilangan nila upang sa ganun ay aktibong makilahok ang marginalized na sektor ng lipunan sa mga benepisyong maibibigay ng ASEAN community.

Laking papasalamat din ni regional director Abner Caga ng PIA Caraga sa mga partisipante sa kanilang aktibong partisipasyon at kooperasyon sa nasabing pagpupulong. Naipahayag  umano ng ibat-ibang sektor ang kanilang mga tanong, opinyon, at klaripikasyon  patungkol sa ASEAN, maging ang kani-kanilang mungkahi kung papaano pa mapapalago ang kabuhayan ng mga Pilipino sa ASEAN community.

Mas naintindihan rin umano ng mga Caraganons ang ASEAN at kabutihang maidudulot nito sa bansa, lalung-lalo na sa rehiyon.

Samantala, inilunsad din ng PIA Caraga sa pakikipagtulungan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Butuan ang ASEAN Information Kiosk sa arrival area ng Butuan airport, kung saan may free access ang mga biyaherong papasok at palabas sa nasabing lungsod sa ibat-ibang information, education and communication o IEC materials ng mga serbisyo at programa galing sa mga ahensya ng gobyerno.

Isa rin umano itong paraan upang mas lalo pang maipalaganap ang mga magagandang oportunidad na maaaring pakinabangan ng mga Caraganons. (JPG/PIA-Caraga)