LUNGSOD NG MALOLOS, Marso 19 (PIA) -- Natapos na ng Japan International Cooperation Agency o JICA ang ginawang feasibility study para sa North-South Commuter Railway Project.

Iyan ang kinumpirma ni Cherry Mercado, tagapagsalita ng Department of Transportation, sa isang inspeksyon sa ginagawang NLEX-North Harbor Link Elevated Expressway.

Sa ilalim ng ginagawang elevated expressway dadaan ang naturang proyekto mula Caloocan hanggang Valenzuela.

Pagdating naman sa Karuhatan, Valenzuela hanggang sa Malolos, nakataas elevated na ito.

Malapit na rin aniyang matapos ang detailed engineering design kung saan eksaktong itatayo ang mga istasyon ng tren sa mga bayang dadaanan nito.

Ang sigurado, dalawang riles na salubungan ang gagawin mula sa Malolos sa Bulacan hanggang sa Tutuban sa Maynila na may habang 38 kilometro.

Binigyang diin pa ni Mercado na gustong matapos ni Pangulong Duterte ang proyektong ito bago matapos ang kanyang termino sa 2022.

Hindi lang iyon, gusto rin ng Pangulo na matapos ang Malolos to Clark line na proyekto naman ng Bases Conversion and Development Authority.

Nauna nang nagpahayag ang JICA na gusto na nilang simulan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railways Project anumang oras pagkatapos na pagkatapos makumpleto ang detailed engineering design.

Ito’y kasunod ng pormal na pagkakalagda sa 93.45 bilyong pisong bilateral soft loan agreement sa pagitan ng Republika ng Pilipinas at ng Japan nang dumalo si Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa Asia Pacific Economic Cooperation Leaders’ Summit na ginanap sa Maynila noong Nobyembre 2015. (CLJD/SFV-PIA 3)