LUNGSOD NG MALOLOS, Abril 21 (PIA) -- Matutuldukan na ang mga agam-agam ng mga kawani ng Department of Education o DepEd sa Dibisyon ng Bulacan na iniipis, dinadaga, binabaha at nilulutangan ng dumi sa dati nilang opisina, sa pagpapasinaya ng bago at modernong tatlong palapag na gusali.

Matatagpuan ito sa bakuran ng Kapitolyo na nasa gilid ng Bulacan Provincial Jail at katabi ng gusali ng Integrated Bar of the Philippines-Bulacan Chapter.

Nagkakahalaga ng 46 milyong piso ang ginugol ng ahensya sa proyekto na itinayo sa dating Teachers’ Training Center na ang lupa ay pag-aari rin ng DepEd. 

Ayon kay Schools Division Superintendent Romeo Alip, ang gusaling ito ay magsisilbing sentro ng operasyon ng DepEd sa Dibisyon ng Bulacan na sakop ang mga pampublikong mababa at mataas na paaralan sa lalawigan.

Hindi kasama rito ang nasa Malolos, Guiguinto, Meycauayan at San Jose Del Monte na may hiwalay na dibisyon. 

Para naman kay Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado, napapanahon ang pagkakatayo nito sa lumalaking operasyon ng K to 12 Education Reengineering Program. (CLJD/SFV-PIA 3)