SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mar 17 (PIA) – Bilang pagdiriwang ng Fire Prevention Month, pinaalalhanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Jose ang lahat na magingat sa sunog.

Ayon kay SF01 Edgardo Salvacion ng BFP San Jose, ang ilan sa pinagsisimulan ng sunog ay upos ng sigarilyo, napabayaang kandila o kaya naiwang apoy sa kalan pagkatapos magluto.

Sa pitong kabahayang nasunog sa bayan ng San Jose noong 2016 ay kabilang ang short circuit at current overload sa naging sanhi ng insidente. “Delikado din ang mga lumang bahay”, dagdag pa ni Salvacion. Base sa kanyang paliwanag, may posibilidad na dahil sa tagal ng panahon ay humihina ang kalidad ng mga linya ng kuryente. “Posibleng mag-short circuit kapag malutong na ang mga kable ng kuryente”, saad pa ni Salvacion. Kaya naman ipinayo nito na ang mga bahay na itinayo, noong nakaraang sampung taon o higit pa, ay dapat lamang sumangguni sa mga kwalipikadong electrician upang patingnan ang kanilang mga linya ng kuryente.

Ipinaalala naman ni San Jose Fire Marshall Inspector Menandro Encapas na kadalasang sa buwan ng Marso nagaganap ang mga insidente ng sunog. “Ang Marso kasi ay simula ng taginit”, saad pa ni Encapaz. Sinabihan din nito ang mga magulang na huwag hahayaang maglaro ng posporo o lighter ang kanilang mga anak.  

Ang Fire Prevention Month ay taunang ipinagdiriwang batay sa Presidential Proclamation 115-A, na idineklara noong 1967 sa ilalim ng pamamahala ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Ang tema nito ngayong taon ay “Buhay at ari-arian ay pahalagahan, Ibayong pag-iingat sa sunog ay sa sariling pamamahay simulan”. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)