SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mar 19 (PIA) – Pinangangambahan ng mga magsasaka ng Occidental Mindoro ang pagdagsa ng mga murang imported na bigas kapag tuluyan ng inalis ang Quantitative Restrictions (QR) sa bigas.

Ito ang isa sa mga tinalakay sa isinagawang Grand Ugnayan 2017 ng National Food Authority (NFA) sa Seasons Hotel, San Jose kamakailan.

Ayon kay Director Lemuel Pagayunan, Department Manager ng NFA Central Office, ang QR ay naglilimita sa bilang ng mga produktong inaangkat ng bansa. “Ang Pilipinas na lamang ang hindi nagaalis ng QR sa bigas”, saad ni Pagayunan.   

Batay sa paliwanag ng direktor, sa kasalukuyan ay higit na mataas ang (palay) cost of production o kabuuang gastos ng magsasaka sa pagtatanim at pagaani ng palay. Dahil dito, malaki ang posibilidad na mas mataas rin ang presyo ng mga lokal na bigas kumpara sa imported pagdating sa merkado. Nangangamba si Pagayunan na kung sakaling mangyari ito ay mawalan na ng ganang magtanim ang mga magsasaka at dumepende na lamang ang bansa sa imported na bigas.

“Pinangangambahan ko na matulad tayo sa Malaysia noong 2008” kwento pa ni Pagayunan.  Ayon dito, ang Malaysia ay 85 porsiyentong self sufficient pagdating sa bigas. May panahon na dumepende ang nasabing bansa sa imported na bigas dahil sa mababang presyo nito. Subalit noong 2008, umakyat ang presyo ng bigas sa international market sa halagang $1000 kada metriko tonelada. Kung ikukumpara ito sa kasalukuyan, ang mababang presyo ng bigas ay maaring pumatak sa halagang P50 kada kilo. Nagsilbing aral ito sa Malaysia kung kaya’t ibinalik ang kanilang rice self sufficiency sa 85%.

Isa pang posibleng epekto ng QR ay ang pagbaksak ng kita ng mga magsasaka. Kung noon ay nabibili ang magagandang ani ng bigas mula P18 -22 kada kilo, higit na mas mababa dito ang presyong iaalok ng mga traders o mga pribadong mamimili.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang konsultasyon at pagaaral hinggil sa pagaalis ng QR. Ayon kay Pagayunan, may mga mungkahi na pinagaaralan na ang kongreso tulad ng pagpapalit ng tariff sa QR. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)