LUNGSOD NG BUTUAN, Marso 10 (PIA) - Dahil sa malakas na pag-ulan na nararanasan simula pa ng nakaraang mga araw dulot ng isang Low Pressure Area at Tail-End of a Cold Front, tumaas na ang tubig sa Agusan river na umabot na sa 3.05 meters ngayong alas tres ng hapon ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC ng Butuan.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa hangang beywang ang tubig sa may barangay Banza, Buhangin, Baan Riverside, Maug, Golden Ribbon, Mahogany, Obrero at iba pang mababang barangay ng lungsod. Bagamat ang pagtaas ng tubig ay karaniwan na sa mga nakatira dito, patuloy namang nakaalerto ang pamahalaang lokal sa anumang maaring maging pinsala ng ulan sa nasabing mga barangays.

Sa tala ng CDRRMC, may 303 ka pamilya o 1,126 na individual ang lumikas na sa kani-kanilang tirahan at kasalukuyan nang nasa designated evacuation centers.

Sa lungsod ng Surigao, ilang low-lying barangays din ang binaha dahil na rin sa pagtaas ng tubig sa Surigao river. Nasa alert level one pa rin ang lungsod at kanselado pa rin ang klase sa pre-school level.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA)-Surigao, umabot na sa 12.6 millimeters ang naitalang accumulated rainfall level ng lungsod kaninang umaga. Nakaalerto na rin ang mga tauhan ng CDRRMC sa Surigao kung saka-sakaling kailanganin na magpatupad ng karampatang aksyon.

Samantala, sa Agusan del Sur ay bahagya nang humupa ang tubig-baha sa ilang apektadong barangay. Ngunit patuloy pa ring binabantayan ng provincial DRRMC ng Agusan del Sur ang pinangangambahang pagtaas na naman ng tubig sa Agusan river dahil sa malakas na ulan sa Compostela Valley province. (JPG/VLG/PIA-Caraga)