CABARROGUIS, Quirino, March 16 (PIA)- - Nabiyayaan ang 294 na residente ng Barangay Cabua-an, Maddela sa isinagawang Medical at Dental mission kamakailan ng pinagsanib na pwersa ng 86 Infantry Battalion, 5th Infantry Division Medical Team at ng lokal na pamahalaan ng Maddela.


Ayon kay Sgt. Eric Noriega ng 86 IB, ang nasabing serbisyong pangmedikal ay dinaluhan ng mga pinuno ng  86IB na si Lieutenant Colonel Jose Vladimir Cagara, 5th ID medical team na si Lieutenant Colonel Ignacio Timbol, Municipal Health Officer ng Maddela na si Dr. Rosalee Eugenio, Civil Military Operation Bn na si Capt. Jo Mark Plete at PNP Maddela.


Sa bilang na 294, 148 ang sumailalim sa medical consultation, 53 sa dental services, 37 sa glucose test o Random Blood Sugar at 56  naman sa libreng gupit para sa kabataan.


"Matatandaan na sa nagdaang mga araw ay nabalot ng takot at pangamba ang mga residente ng Cabua-an dahil sa presensya ng New People's Army kaya nagsilikas a.g mga ito sa Poblacion. Marami rin sa mga residente ang nagkasakit dulot ng trauma at takot," ani Noriega.


Dagdag ni Noriega na nakipag-ugnayan ang pamunuan ng 86IB sa tanggapan ni Mayor Ylanan at sa opisyal ng Brgy. Cabua-an na labis namang ipinagpasalamat ng mga residente. (ALM/TCB/PIA-2 Quirino)