Feedback

LUNGSOD NG BATANGAS, Pebrero 17 (PIA) --Isasagawa ang 2017 State Colleges and Unviersities Athletic Association national games sa iba’t-ibang lugar sa lungsod na ito sa Pebrero 19-24,2017 at magsisilbing host sa taong ito ang Batangas State University (BSU).

May temang “PASUC @ 49: Paving the Path Towards Internationalization of State Universities and Colleges Through Sports,” inaasahang libong delegado ang dadagsa sa lungsod ng Batangas.

Sinabi ni Dr. Glenn Reyes, Phillipine Association of State Unviersities and Colleges (PASUC) Executive Director na tinatayang libong katao mula sa mga state colleges and universities mula sa 17 rehiyon kasama ang Mindanao State University (MSU) ang dadagsa upang makilahok sa SCUAA national games.

“Taon-taon naming ginagawa ang SCUAA at ginaganap ito sa iba’t-ibang lugar sa bansa kung saan sa nakaraang taon ay ginanap sa Tuguegarao. Ang SCUAA ang nagsisilbing sports arm ng PASUC at lahat ng mga atleta ay nag-aaral sa mga member institutions nito. Inaasahan naming sa muling pagdaraos nito ngayong taon ay makapag-produce tayo ng mga atleta na magiging world class na hindi lamang magbibigay karangalan sa insitusyong kanilang kinabibilangan kundi patuloy na magpapakilala at magpapakita ng galing ng mga atletang Pilipino,” dagdag pa ni Reyes.

Sa pakikipagtulungan naman ng Department of Education, nabigyan ng accommodations ang mga atletang delegado mula sa iba’t-ibang rehiyon sa 18 central schools na matatagpuan sa lungsod kabilang ang Paharang Elem. School, Navera National High School, Libjo Elem. School, Alangilan Central School, Gulod Elem. School, Julian Pastor Memorial Elem. School, Batangas City South Elem. School, Kumintang Elem. School, Batangas City East Elem. School, Bolbok Elem. School, Sta. Rita Elem. School, Balagtas Elem. School, Calicanto Elem. School, Wawa Elem. School, Jose Pastor Memorial Elem. School, Calicanto Elem. School, Sampaga Elem. School at Concepcion Elem. School.

Iba’t-ibang uri ng mga laro ang sasalihan ng mga atleta kabilang ang archery, athletics, arnis, badminton, baseball, basketb all, beachvolleyball, boxing, chess, dance sports, football, futsal, karatedo, lawn tennis, pencak silat, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo at volleyball.

Magbubukas ang SCUAA sa pamamagitan ng isang parada mula sa Batangas Port patungong Provincial Sports Complex kung saan isasagawa din ang opening ceremony at susundan ng Governor’s dinner and fellowship night para sa mga delegado sa Marble Terrace, Capitol Grounds.

Magsisimula ang paligsahan sa iba’t-ibang larangan sa Pebrero 20 na susundan ng Mayor’s Night sa Batangas City Convention Center.

May 11 pares din mula sa mga rehiyon ang magtatagisan upang makuha ang titulong Mr. and Ms. SCUAA 2017 sa Pebrero 21 sa Batangas State University main campus gymnasium.

Magkakaroon naman ng Dancesport competition na may dalawang kategorya, ang Latin at Modern dance sa gabi ng Pebrero 22.

Ang championship games ay idadaos sa Pebrero 24 kasunod ng awarding at closing ceremonies ng SCUAA.

Inaasahan na hindi lamang mga Batangueno ang dadagsa upang mapanood ang husay ng mga atleta kundi maging ang mga kalapit lalawigan at iba pang probinsya sa bansa. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)