DAET, Camarines Norte, Abr. 18 (PIA) -- Ipinagdiriwang sa Camarines Norte ang ika-97 taong pagkakatatag ng lalawigan at ika-13 Bantayog Festival simula Abril 15 at hanggang Abril 29 kung saan inilatag ng pamahalaang panlalawigan ang mga gawain at aktibidad para sa naturang selebrasyon.

Sa bahagi ng programa, una ng isinagawa ang dalawang araw na Bantayog Surfing Clinic at Kaogmahan sa Bagasbas sa bayan ng Daet.

Kahapon, nagkaroon ng commemorative program, thanks giving mass at floral offering sa Agro-Sport Center ng kapitolyo probinsiya.

Ganundin ang pagbubukas ng Kay Ganda Cam Norte Art Expo at Bantayog Art Exhibit sa Heritage Center ng bayan ng Daet at Futsal Clinic sa grounds ng kapitolyo.

Isinagawa rin ang fellowship parade at parada ng Kabataan Kontra Droga samantalang ang Tunog Kalye, Tunog Pinoy ay ginanap naman sa Liwasan ng mga Bayani.

Ngayong araw ay ang paligsahan ng talento ng mga Persons with Disabilities (PWDs) sa Camarines Norte sa pamamagitan ng PWDs Got Talent na gaganapin sa Atrium ng Cetral Plaza Mall sa bayan ng Daet.

Kaalinsabay nito ang pagbubukas ng Agri-Tourism and Trade Fair sa Kalayaan Park ng kapitolyo probinsiya at Little Ms. Camarines Norte sa Agro-Sports Center samantalang ang Ms. Teen Camarines Norte naman ay gaganapin bukas (Abril 19).

Sa Abril 20, isasagawa ang iba pang mga paligsahan kabilang na ang Bantayog DLC Competition, Bantayog Street Moves at Bantayog 3 on 3 Basketball Tournament.

Magkakaroon din ng dalawang araw (Abril 20-21) na Bantayog Job Fair sa Little Theater ng kapitolyo.

Samantala, sa Abril 21 ay gaganapin ang Search for Bb. Camarines Norte sa Agro-Sports Center at Bantayog National Dart Tournament sa Heritage Center ng bayan ng Daet.

Ang Grand Festival Parade at Street Dancing Competition ang pinakatampok na gawain ng naturang selebrasyon kung saan ito ay isasagawa sa Abril 22 na magsisimula sa Kalayaan Park ng kapitolyo.

Isasagawa rin sa naturang araw ang Bantayog Climb sa bayan ng Labo, Padyak Race sa Vinzons at Music Festival sa Airport ng Bagasbas Beach sa Daet.

Sa Abril 23 ang Arte, Sining at Galaw, Bantayog Fun Bike at ang 32nd Bicol Open Tennis Tournament, Abril 24 ay ang Bantayog Tsuper Sireyna samantalang sa Abril 25 ang Variety Show at Bantayog Run-Bike Climb.

Magkakaroon naman ng Script and Song Writing Workshop sa Abril 27, Bantayog Awards: “Parangal sa natatanging Camnorteno” at Governor’s Night sa Abril 28.

Sa huling araw (Abril 29) ng selebrasyon ay isasagawa ang Hatid Saya Concert: A Benefit Concert na gaganapin sa Agro-Sports Center ng kapitolyo probinsiya.

Ang naturang selebrasyon ay pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte sa pamumuno nina Gobernador Edgardo A. Tallado, Bise-Gobernador Jonah G. Pimentel at Provincial Administrator Alvin Tallado ganundin ang Sangguninang Panlalawigan.

Ang lalawigan ng Camarines Norte ay itinatag noong Abril 15, 1920 samantalang ang unang Bantayog ni Rizal ay sinimulang itayo sa bayan ng Daet noong ika-30 ng Disyembre 1898 at natapos sa buwan ng Pebrero 1899.

Tema ng selebrasyon ngayong taon ang “Bawat Camnorteno Kaakibat sa Pagsulong ng Turismo”. (MAL/ROV/PIA5-Camarines Norte)