Tagalog news: Fort Pikit sa North Cotabato kinilalalang national historical landmark

By Danilo E. Doguiles

Friday 15th of June 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Hunyo 13 (PIA) -- Isa na ngayong national historical landmark ang Fort Pikit, sa bayan ng Pikit sa North Cotabato.

Ayon kay Joey Recimilla, itinalagang pinuno sa technical working group na nagsagawa ng pagsisiyasat at historical documentation sa naturang lugar, ipinasa kamakailan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang Resolution No. 7 series of 2012 na kumikilala sa Fort Pikit bilang isa sa mga makasaysayang lugar sa bansa.

Ang nasabing lugar ay naging kampo ng mga sundalong Amerikano noong panahon ng kanilang pananakop. Sa naturang Fort din nagkuta ang Japanese Imperial Army na naka-destino sa bahaging ito ng Mindanao bago ito nabawi ng mga Amerikano noong ikalawang digmaang pandaigdigang. Naging kampo rin ito ng Philippine Constabulary nang lumaon.

Naging sentro rin ito ng pakikibaka ng mga taga-Mindanao, lalung lalo na ng mga Moro laban sa mga mananakop, ayon sa pamahalaang panlalawigan.

Ang Fort Pikit, ayon kay Gov. Emmylou “Lala” Talino-Mendoza, ang kauna-unahang national historical landmark ng lalawigan.

Sa ngayon, inilalatag na ang plano para sa rehabilitasyon ng Fort Pikit na binabalak na pormal na bubuksan Setyembre 1, 2014 kasabay ng ika-100 taong anibersaryo ng North Cotabato.

Paliwanag ni Recimilla sinimulan nila ang historical documentation sa lugar mahigit isang taon na ang nakaraan sa utos ni Gov. Mendoza at sa pakikipatulungan ng pamahalaang bayan sa pamumuno ni Mayor Sumulong Sultan.

Noong Marso 1, pinuntahan ng mga tauhan ng NHCP ang Fort Pikit para sa site visit, ground validation, at imbestigasyon ng mga historical facts.

Ang Fort Pikit ay makikita sa isang burol sa likod ng municipal hall ng Pikit. Itinayo ito noong 1893 ng mga sundalong Español kasabay ng kanilang pagpapalakas ng puwersa sa Mindanao. (DEDoguiles-PIA 12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters