Tagalog news: Deadline sa PhilSci scholarship application sa Hulyo 6 na

By Danilo E. Doguiles

Tuesday 19th of June 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Hunyo 19 (PIA) -- Kasabay ng inaasahang pagbubukas ng Philipppines Science High School-Soccsksargen sa Barangay Paraiso, Koronadal City sa susunod na pasukan, muling nagpaalala ang Department of Science and Technology-12 na nalalapit na ang deadline sa pagsumite ng application form para makapasok sa naturang school system.

Ayon kay DOST 12 Regional Director Dr. Zenaida Hadji Raof-Laidan, sa Hulyo 6 na ang huling araw nang pagsumite ng kanilang mga papeles para sa 2013 National Competitive Examination na kailangang ipasa para makapasok bilang mag-aaral at iskolar ng Philippine Science High School.

Maaring kumuha ng NCE ang mga mag-aaral na kasalukuyang nasa ika-anim na baitang sa elementarya at kasama sa top 10% ng kanilang klase at walang gradong mas mababa sa 80% na kailangang sertipikahan ng school principal.

Pinapayagan ding kumuha ng naturang exam yaong bagamat di napapabilang sa top 10 ay mayroon namang natatanging kakayahan sa agham at matematika kung saan hindi dapat bababa sa 85 ang kanilang grado. Dapat ding wala silang gradong mas mababa sa 80 percent sa anumang subject sa kanilang report card.

Sa mga interesado, maaaring makakuha ng application form sa regional office ng DOST sa Cotabato City o sa pinakamalapit na DOST Provincial S&T Center sa kanilang lugar.

Puwede ring i-download ang application form sa NCE sa website ng naturang paaralan na www.pshs.edu.ph.

Samantala, nakatakda sa Huwebes, Hunyo 21, ang groundbreaking ng PSHS-Soccsksargen campus na dadaluhan mismo ni DOST Secretary Mario Montejo at PSHS System Executive Director Josette Biyo.

Sa naunang panayam, sinabi ni Gov. Arthur Y. Pingoy Jr. na balak ng PSHS na tatlong section ang balak buksan sa unang taon ng PSHS-Soccsksargen. (DEDoguiles/PIA 12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters