Tagalog news: Koleksyon ng real property tax sa South Cotabato mas mapapabilis
LUNGSOD NG KORONADAL CITY, Hunyo 26 (PIA) -- Inaasahang mas mapapaayos at mapapabilis ang koleksyon ng buwis sa South Cotabato ngayong nakatakda nang ipatupad ng pamahalaang panlalawigan ang online at computer-based real property tax (RPT) system na binuo ng Veterans Bank para sa lokal na pamahalaan.
Kamakailan, pinirmahan ni Gov. Arthur Y. Pingoy Jr. at Veterans Bank-Koronadal Branch Manager Tranquilino Morante Jr. ang amended memorandum of agreement hinggil sa "installation" ng RPT tax system sa lahat ng munisipyo na nasasakupan ng probinsiyal na lokal na pamahalaan.
Ayon kay Manager Morante, na-"install" na nila ang RPT system sa mga munisipyo ng Banga, Norala, Polomolok, Sto. Niño, Tupi, Tampakan, Tantangan, T’boli, at Tantangan. Tanging ang sa Lake Sebu na lang ang may kailangang ayusin bago tuluyang mapapatakbo ang naturang computer-based system.
Sa panahong tuluyan nang “operational” ang naturang sistema, mas madali nang makita ng mga taxpayer ang halaga ng real property tax na kailangan nilang bayaran sa pamahalaang panlalawigan gamit ang computer na nakakabit sa internet.
Hindi rin aniya kailangang sa Veteran’s Bank nila bayaran ang buwis dahil maaaring bayaran sa alinmang munisipyo o sa provincial capital kung saan naka-install ang RPT system.
Paliwanag pa nito, bagamat gumastos ng milyun-milyon ang Veterans Bank sa pagbuo ng RPT system na naka-"pattern" sa pangangailangan nila, libre nila itong ipinagkakaloob sa South Cotabato government.
Samantala, malaki naman ang pasalamat ni Gov. Pingoy sa tulong ng Veterans Bank.
Aniya, dahil sa naturang partnership mas magiging epektibo ang pamahalaang panlalawigan sa pangongolekta ng buwis na sigurado aniyang magbubunga ng mas malawak na serbisyong pampubliko.
Kasabay ng "memorandum of agreement signing" noong Huwebes, Hunyo 21, ibinigay rin ni Morante kay Gov. Pingoy ang tseke na may halagang P200,000 bilang kontribusyon ng Veterans Bank sa 2012 T’nalak Festival celebration sa Hulyo. (DEDoguiles/PIA 12)
Number of Comments: 0