Tagalog news: State of the City Address itinakda sa Hulyo 9

By Danilo E. Doguiles

Wednesday 4th of July 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Hulyo 4 (PIA) -- Ipinagpaliban sa Lunes, Hulyo 9, ang State of the City Address (SOCA) ni Koronadal City Mayor Peter B. Miguel na nauna nang itinakda sana ngayong araw.

Ayon kay Miguel, nagpasiya siyang ipagpaibang-araw ang kanyang ulat sa bayan dahil abala ang buong pamahalaang panglungsod pati na ang mga residente sa paghahanda para sa 2nd Tree Growing Festival.

Isinagawa ang Tree Growing Festival noong Biyernes, Hunyo 29, kung kailan mahigit 250,000 na puno ang itinanim ng LGU kasama ang mahigit 10,000 residente sa may 1,275 na ektaryang lupain sa Quezon Mountain Range.

Hiniling rin aniya ng mga pinuno ng mga departamento na bigyan sila ng panahon para sa paghahanda ng kanilang mga ulat sa mga nagawa sa nakalipas na taon na batayan sa ulat ng alkalde.

Agad naman niya itong sinang-ayunan dahil nararapat lamang na komprehensibo ang ulat na matatanggap ng mga residente hinggil sa kung ano ang nagawa ng kanilang mga opisyal tulad ng mga ipinatutupad na mga proyekto, mga inisyatibo ng pamunuan at ilatag ang mga kailangan pang makamit sa hinaharap.

Gagawin ang State of the City Address sa South Cotabato Gymnasium and Cultural Center ng 8 n.u. sa Lunes.

Imbitado ang mga residente na makinig sa ulat ng alkalde. Dahil regional administrative seat ng Soccsksargen Region ang Koronadal imbitado rin ang direktor ng mga regional government offices na nakabase rito. (DED-PIA 12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters