Tagalog news: Deadline sa aplikasyon para sa PSHS scholarship, pinalawig
LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato (PIA) -- Magandang balita para sa mga batang nasa ika-anim ba baitang sa Rehiyon Dose, pinalawig ng Philippine Science High School (PSHS) ang huling araw ng pagsumite ng application form para sa National Competitive Examination (NCE).
Ang NCE ang tanging eksamen na kailangang maipasa ng isang mag-aaral upang mapabilang sa mga maaring maging estudyante ng PSHS o “Pisay,” isang espesyal na paaralan sa ilalim ng Department of Science and Technology kung saan ang mga mag-aaral ay pawang mga iskolar ng pamahalaan.
Ayon kay DOST 12 Regional Director Zenaida Laidan, sa halip na sa Hulyo 13 pinalawig ang deadline ng pagsumite ng application form sa NCE sa Hulyo 31. Sa Setyembre 29 naman nakatakda ang pagsusulit.
Nauna nang ipinangako ni Dr. Josette Biyo, executive director ng PSHS System na bibigyan nila ng mas mahabang panahon ang Soccsksargen region para mas maraming kabataan ang makakakuha ng naturang pagsusulit at mas marami ang mabibigyan ng pagkakataon na makapasok sa Pisay.
Plano rin niyang makapagpadala ng mga guro dito sa Rehiyon 12 na gagabay sa mga aplikante hinggil sa NCE at paano sasagutan ang mga taon sa eksamen.
Ang NCE ay bukas sa mga Grade 6 o Grade 7 pupils na kabilang sa top 10 percent ng kanilang klase sa SY 2011-2012 at mga mag-aaral na may kakaibang kakayahan sa science at math.
Maaring makakakuha ng application form sa pinakamalapit na provincial S&T center, at sa tanggapan ng ilang piling paaralan.
Maari rin itong ma-download sa website ng Philippine Science High School sa www.pshs.edu.ph.
Balak ng DOST 12 at pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato na matatapos ng konstruksyon ng unang mga pasilidad ng “world class” na PSHS-Soccsksargen Region Campus sa Barangay Paraiso, Koronadal City bago pa ang pagbubukas ng pasukan sa Hunyo 2013.
Abot hanggang 90 na first year high school ang maaring makapasok na mag-aaral at iskolar sa PSHS-SRC sa school year 2013-2014. (DEDoguiles/PIA 12)
Number of Comments: 0