Tagalog news: Tacurong PNP, finalist sa Best Component City Police Station award
LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato, Hulyo 18 (PIA) -- Kabilang ang Tacurong City Police Station sa tatlong nalalabing kandidato para sa parangal na Best Component City Police Station sa taong 2011 ng Philippine National Police (PNP).
Sa ulat ng Tacurong City Information Office, kabilang din si PSupt Gilberto Tuzon, hepe ng Tacurong PNP sa limang finalist sa pinagpipiliang Best Chief of Police sa buong bansa.
Noong Hulyo 12, binisita ng PNP Field Evaluation and Validation Team na pinamumunuan ni Police Director Ager P. Ontog ang Tacurong PNP para sa pagsusuri at pagtatasa ng estasyon ng pulis para sa naturang parangal.
Sa pagtatasa, inilahad ni Tuzon ang mga natatanging programa ng kanilang himpilan, kabilang na dito Oplan Repazo, Oplan Bitag Sasakyan, sistema ng pagbibigay-pugay sa perfomance ng kanilang tauhan, paglalatag ng communication network, regular na pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder at regular na pulong ng kanilang intelligence units.
Inisa-isa rin niya ang mga nagawang pakikipagtulungan sa pamahalaang panglungsod sa mga gawaing may kaugnayan sa pangangalaga ng kapaligiran at pagpapaunlad ng pamayanan.
Sa komperensiya ng pangkat ng tagapagsuri, sinabi ni Ontog na hanga sila sa pagtutulungan ng LGU at ng PNP sa Tacurong.
Kasama ng Tacurong City Police Station sa listahan ng finalist ang City Police Station ng San Fernando, La Union at City Police Station ng Sta. Rosa, Laguna. (DED-PIA12)
Number of Comments: 0