Tagalog news: Serbisyo para sa mga senior citizen, prayoridad ng LGU-Makilala

By Aida C. Agad

Thursday 5th of July 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Hulyo 5 (PIA) -- Nangunguna sa talaan ng mga serbisyo ng Pamahalaang Bayan ng Makilala, Cotabato ang para sa sektor ng mga matatanda o senior citizen.

Ito ang binigyang diin ni Mayor Rudy Caogdan sa kanyang State of the Municipality Address (SOMA) noong Hulyo 2.

Kabilang sa mga programa na patuloy na isinusulong sa bayan ay ang Alay kay Lola at Lola Door-to-Door Service Delivery Program, kung saan nagtalaga ng dalawang nurse ang pamahalaang bayan na mangangasiwa ng pagbisita sa bahay ng mga nakatatandang residente.

Ayon kay Caoagdan, mahigit 3,356 na mga senior citizen na ang nabisita sa kanilang mga bahay at nabigyan din ng mga bitamina at iba pang tulong medical.

Sa pakikipagtulungan din umano ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit 177 na mga mahihirap na senior citizen ang natulungan para tumanggap ng kanilang social pension.

Nangako din si Caogdan na lalo pa nitong pagtutuunan ng pansin ang kapakanan ng mga lolo at lola ng bayan kung kayat kanyang ipinag-utos ang paglalagay ng Senior Citizens Affairs Office sa bahagi ng municipal gymnasisum.

Dagdag pa dito, pag-aaralan din umano ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng regular na programang pangkalusugan para sa sektor at ang pagrepaso sa ilang probisyon ng Expanded Senior Citizen Act of 2010 upang mabigyan ng burial assistance na P2,000 ang bawat senior citizen na mamamatay. (DED/ACA-PIA12)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters