Tagalog news: Pagresolba sa mga ulat ng human trafficking sa Soccsksargen, tinututukan ng RIACAT 12

By Aida C. Agad

Thursday 2nd of August 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Timog Cotabato, Agosto 2 (PIA) – Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) 12 ang pagpupulong ng mga ahensyang miyembro ng Regional Inter-Agency Committee on Anti-Trafficking in Persons (RIACAT) upang tugunan ang mga kaso ng illegal recruitment o human trafficking sa rehiyon 12.

Sa nasabing pulong na ginanap dito sa Lungsod ng Koronadal nitong Hulyo 27, nagkaroon ng paglilinaw sa mga tungkulin at responsibilidad ng bawat ahensyang miyembro ng taskforce, lalo na sa prosekyusyon ng mga kaso, re-interogation ng mga nasagip na mga biktima, at pagbibigay ng karampatang social service at tulong pangkabuhayan lalo na sa mga menor de edad na biktima.

Mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, mahigit isandaang batang menor de edad ang natulungan ng mga ahensyang miyembro ng RIACAT sa apat na beses na ginawang pagsagip.

Ang mga ito ay mula sa mga mahihirap na pamilya sa mga malalayong barangay ng lalawigan ng Cotabato at Maguindanao na pinangakuan ng mga recruiter ng trabaho sa ibang bansa gaya ng Malaysia at iba pang mga bansa sa Middle East.

Sa mga nasagip na mga biktima, kalimitang naging sanhi ng kanilang pagsama sa mga recruiter ay ang estado ng buhay at kawalan ng kaalaman sa mga aktibidad ng nagpapanggap na recruiter.

Dahil sa tumataas na kaso ng illegal recruitment at human trafficking sa rehiyon 12, napagkaisahan ng RIACAT 12 na lalo pang paigtingin ang kampanya ng pamahalaan sa bahaging ito ng bansa laban sa human trafficking.

Kasama ng DSWD 12 sa aktibong pagsulong ng adbokasiya ng RIACAT 12 ang mga ahensyang gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), mga lokal na pamahalaan, at ang Philippine Information Agency (PIA). (ACAgad/PIA 12)


Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters