Tagalog news: Info caravan para sa ARMM re-registration inilunsad
COTABATO CITY, Hulyo 9 (PIA) -- Bago ginanap ngayong araw ang pagsisimula ng panibagong pagpapatala sa mga botante ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), isang information caravan ang inilunsad kahapon ng pamunuan ng ARMM sa lungsod ng Marawi.
Ang nasabing info caravan ay itinaguyod ng liderato ng ARMM sa pamumuno ni OIC-Governor Mujiv S. Hataman at sa pakikipagtulungan ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno sa pangunguna ng Commission on Elections (Comelec) at mga "poll watch dogs," tulad ng National Citizens' Movement for Free Elections, Citizens Care, mga organisasyong di-pampamahalaan, at ilang "civil society organizations."
Ang info caravan ay nagsimula sa compound ng Office of the Regional Governor-ARMM umaga kahapon at dumaan sa mga bayan ng Sultan Kudarat, Parang, Matanog,lalawigan ng Maguindanao.
Ang info caravan, na kung saan aabot ng 100 na mga pampubliko at pribadong mga sasakyan na lulan nito ang iba't ibang opisyales at kawani ng ARMM, mga tauhan ng Comelec, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), mga kagawad ng medya, at mga sumusuporta ng naturang ARMM "voter's registration," ay dinaanan din ang mga bayan ng Kapatagan, Balabagan, Malabang, Calanogas, Pualas, Ganassi, Madalum, Bacolod-Calawi, Tugaya, Balindong, Marantao bago dumating ng Marawi, kung saan isang programa ang ginanap sa kapitolyo ng lalawigan ng Lanao del Sur na nakabase sa Marawi.
Layunin ng ARMM voters registration na makamit ang mithiiing “Isang rehistro, Isang tao at isang boto,” para sa darating na 2013 ARMM election.
Ang nasabing mithiin ay alinsunod na rin sa pagsisikap ng Pangulong Benigno Aquino III para sa "honest, orderly, peaceful election" (HOPE) para sa darating na ARMM election sa susunod na taon.
Napag-alaman ng PIA-Cotabato City mula kay Fr. Eliseo “Jun” Mercado, executive director ng Institute for Autonomy and Governance at chair ng NAMFREL-ARMM na ang pamahalaan ay gumugugol ng P600 million para sa naturang ARMM voters registration.
Si Fr. Mercado ay isa sa mga nagsalita sa nabanggit na programa na ginanap sa Lanao del Sur provincial capitol kahapon, kung saan hiniling din nito sa mga botante ng nasabing lalawigan na lumahok sa nasabing registration at huwag magpadala sa pansariling interest ng iba, tulad ng planong pandaraya, pananakot at pamimili ng boto sa darating na eleksyon.
Upang lalong maging kapani-paniwala ang gagawing voter's registration sa lalawigan ng Lano del Sur, hiniling ni Governor Mamintal Adiong Jr., sa mamamayan ng karatig na lalawigan ng Lanao del Norte na huwag makialam sa gagawing rehistrasyon sa kanyang lalawigan, at umiwas sa mga "prospective candidates" ng kanyang lalawigan na nagbabalak na humikayat ng mga botante mula sa Lanao del Norte na magrehistro sa kanyang probinsiya.
Tiniyak naman ng liderato ng AFP at PNP ng ARMM na ligtas sa anumang pangyayaring masama na maaaring makaapekto sa nasabing rehistrasyon. (Moner C. Dayaan-PIA Cotabato City)
Number of Comments: 0