Tagalog news: Cotabato City LGU suportado ang paglilipat ng Maguindanao Provincial Jail

By Moner C. Dayaan

Thursday 12th of July 2012
COTABATO CITY, July 12 (PIA) -- Hindi aayawan ng pamahalaaang lungsod ng Cotabato City ang nais na mailipat ang Maguindanao Provincial Jail sa ibang lugar.

Ito ang ipinahayag ni City Mayor Japal “Jojo” Guiani, Jr. matapos sabihin ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu na nais niyang mailipat sa Parang, Maguindanao ang nabanggit na kulungan makaraang magkaroon ng jailbreak o pagpuga ng mahigit sa sampung preso noong madaling araw ng Martes nitong linggo.

Sa isang press briefing kahapon ng umaga na ginanap sa kanyang tanggapan sinabi ng alkalde na kung ano ang makabubuti sa nasabing piitan at maiiwasan ang pagpupuga sa kulungan na ito na kaniyang sinasang-ayunan.

Ang kahilingan ni Governor Mangudadatu ay bunsod ng pagtakas ng nasabing mga inmate na si Datukon Samad alyas Commander Lastikman at ng iba pa niyang kasama na nahaharap sa maraming kasong kriminal tulad ng kidnapping, robbery, extortion, at pagpatay.

Matatandaan na inilipat si Samad mula sa kulungan ng Kidapawan sa lalawigan ng North Cotabato dahil sa nabigong pagtangkang itakas siya ng kanyang mga kapanalig.

Ayon kay Mangudadatu kung mapagbibigyan ang kaniyang kahilingan na mailipat ang naturang kulungan sa kanyang lalawigan ito’y pagsisikapang niyang maisaayos ang pamamalakad nito bukod sa pagpapalabas ng maraming pondo para sa karagdagang puwersa na magbabantay sa kulungan.

Nauna nito naiulat na sa panahon ng pagpuga ng nasabing bilang ng mga preso, dalawa lang umano ang guwardiya na nagbabantay sa nasabing piitan.

Sa panig naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) nais din ni Secretary Jesse Robredo na mailagay na sa poder ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang lahat na pamamahala sa mga kulungan tulad ng Maguindanao provincial jail at tuluyan ng maalis sa pamamahala ng local government unit (LGU).

Isa umano sa dahilan ng paglilipat sa poder ng BJMP tulad sa Maguindanao provincial jail ay upang mabigyan ito ng mga guwardiya o personnel na may sapat na training o kakayahan hinggil sa jail management.

Malakas ang paniniwala ni Maguindanao provincial governor Mangudadatu na mapagbibigyan ang kaniyang kahilingan upang sa gayon ay hindi na maulit pa ang nasabing jailbreak. (Moner C. Dayaan-PIA Cotabato City)


Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters