Tagalog news: DTI nagsagawa ng pangkabuhayang pagsasanay
AGUSAN DEL SUR, Hulyo 10 (PIA) -- Ang Department of Trade and Industry (DTI) Agusan del Sur provincial office ay nagsagawa ng dalawang araw na pagsasanay sa produksyon ng iba't ibang produkto ng cottage industry, basic business financial management at iba pang mga produkto ng teknolohiya.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng pamahalaan ng lungsod ng Bayugan, ng panlalawigang pamahalaan ng Agusan del Sur at ng Cottage Industry Technology Center.
Ayon kay Cirila Inson, Trade and Industry specialist ng DTI-AdS, ang dalawang araw na pagsasanay ay ginanap sa Lope A. Asis gymnasyum, Lungsod ng Bayugan kamakailan at nilahukan ng mga kababaihan, kabataan, mga mag-aaral at iba pang interesadong mga organisasyon. Ito ay ginastusan ng DTI at ng lungsod ng Bayugan at sinuportahan ng mga tauhan ng pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur.
"Kung hindi man maging pinakaunang pagkukunan ng kabuhayan ng mga kalahok ang kaalaman at teknolohiya na kanilang matututunan, sigurado akong ito ay makakadagdag sa kinikita ng kanilang pamilya na makakatugon sa kanilang mga pinansiyal na pangangailangan. Ang mga teknolohiya at mga produkto na aming ipinakilala ay iyong mga pinakakailangan ng bawat pamilya para sa kanilang pang-araw-araw na konsumo. At dahil kami ay naniniwala na ang isa sa mga dahilan kung bakit nabibigo ang negosyo ay sa hindi maayos na pamamahala, aming idinagdag ang basic financial management na kurso upang sila ay magkakaroon ng kaalaman sa pinansiyal at pamamahala," sabi ni DTI-AdS Provincial Director Lolita Dorado.
Sa unang araw, ang pagsasanay sa paggawa ng mga produktong pambahay tulad ng dishwashing liquid, fabric conditioner at detergent powder ang itinuro. Itinuro rin ang pagsasanay sa paggawa ng beadwork/paggawa ng mga nauusong brotse, kagamitang pang-adorno sa buhok ng ikakasal, pag-aayos ng bulaklak, kuwintas at purselas, maging ang produksyon ng mga piling mani tulad ng malutong na mani, maning karamelo bar, peanut butter cookies at peanut butter.
Sa pangalawang araw, nagkaroon ng briefing at lectures. Kabilang sa mga itinuro ay ang mga kasanayan sa paghahanda ng ligtas at malinis na pagkain, kung paano sisimulan ang isang negosyo at karunungang pinansyal, kasama na ang pagkukwenta ng interest rates, kinikita, ipon para sa puhunan at simpleng paghahanda ng libro sa negosyo at pagtatala ng pera, mga dapat kolektahin at babayaran.
Ang pagsasanay sa pag-aayos ng lobo tulad ng mga pag-aayos at paggawa ng mga lobong bulaklak ay itinuro rin sa ikalawang araw. Itinuro rin ang mga pamamaraan sa paghahanda ng mga coco delicacies tulad ng macapuno balls, coco jam at bukayo. (RER/DMS/PIA 13-Agusan del Sur)
Number of Comments: 0