Tagalog news: Senador hinikayat ang mga high school students na suportahan ang K+12
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union, Hulyo 5 (PIA) -- Isang senador kamakailan ang nag-udyok sa mga estudyante ng La Union National High School (LUNHS) na suportahan ang K+12 na programa ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd, sa kanyang nakaraang pagbisita kasama ang Rotary Club International.
Sinabi ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, miyembro ng Rotary Club, na ang naturang programa ang huhubog sa mga estudyante upang maging ‘competitive’ at mahusay sa kanilang mga kasanayan sa hinaharap. Hinikayat niya ang mga estudyante na isaalang-alang ang kanilang edukasyon para makakuha ng kanyang scholarship program kapag sila’y mag-aaral na sa kolehiyo.
Paliwanag din ni Pimentel sa kanila, para sa mas epektibo at mabisang implementasyon ng programang K+12, kailangan ng mas maraming pasilidad ng mga estudyante upang may magamit sila sa paaralan tulad ng mga library at laboratoryo.
Ang Rotary Club ay nagbigay ng mahigit 500 na upuan sa LUNHS, ang pinakamalaking paaralang sekondarya sa La Union na kung saan mayroong populasyon na umaabot sa 5,000.
Samantala, pinasalamatan ni DepEd Region 1 director Teresita Velasco ang mga kasapi ng Rotary Club kabilang na si Pimentel at La Union First District Congressman Victor F. Ortega dahil sa kanilang pagbisita sa LUNHS, na siyang nagbigay ng oportunidad sa kanila upang mailabas ang kanilang mga hinaing at isyu tulad na lamang ng kakulangan sa gusali at silid-aralan.
Pagkatapos na nasabing programa, ang senador ay nakilahok sa oath-taking na seremonya para sa mga napiling opisyal ng Rotary Club International sa Oasis Country Resort rito.(ANL/MHH PIA1, La Union)
Number of Comments: 0