Tagalog news: Pagbibihasa sa mga Kalinga entrepreneurs ukol sa FTA ginawa
TABUK CITY, Kalinga, July 19 (PIA) -- Nagkaroon kamakailan ng isang pagbibihasa ang mga local na entrepreneur ng Kalinga tungkol sa Free Trade Agreement (FTA) sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ito ay bahagi ng information campaign na “Doing Business in Free Trade Areas” upang magkaroon ng kaalaman sa mga bagong free trade agreements ang mga lokal na mangangalakal na kung saan maaari nilang gamitin ito upang mapaunlad ang kanilang mga kalakal at maiparating rin ang mga ito sa ibang bansa. Sa pangunguna ng DTI tumutulong rin sa kampanya ang Trade Commission.
Ayon kay DTI Kalinga Provincial Director Grace Baluyan, ang kampanya ay natural na proseso upang mapalago ang mga domestic markets at makapagpalawak ang mga ito sa ibang bansa sa tulong ng FTAs.
Ang Pilipinas sa ngayon ay may pitong FTAs na kinabibilangan ng Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA), Association of South East Asian Nations (ASEAN), Free Trade Area (AFTA), at limang ASEAN Regional FTAs sa China, Japan, Korea, Australia-New Zealand, at India.
Dahil dito, malaki aniya ang maitutulong sa mga lokal na mangangalakal para mabigyan nang mas malaking halaga ang kanilang mga produkto para magkaroon ng oportunidad na lumahok sa foreign market at magkaroon na rin sila ng mga kita na dolyar.
Malaki ang pag-asa ng Kalinga aniya na lumahok sa FTA dahil sa mga kakaiba at competitive na produkto tulad ng 'unoy' rice, organic at civet coffee, na ine-export na sa ibang bansa.
Sa pagkakaroon ng Free Trade Areas, ang mga local businesses aniya ay magkakarong ng pagkakataong makilahok sa fair trade at oportunidad na pagandahin ang kanilang produkto at dahil dito mapapaunlad na ang kanilang kabuhayan. (GGD-PIA CAR, Kalinga)
Number of Comments: 0