Tagalog news: DTI-Bataan, ikatlo sa bansa sa pinakamaraming narehistrong negosyo
LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Hunyo 30 (PIA) -- Pumangatlo ang Department of Trade and Industry (DTI)-Bataan sa buong bansa sa may pinakamaraming narehistrong negosyo sa kabila ng maliit na populasyon ng probinsya.
Sa sulat na ipinadala ni DTI undersecretary Merly Cruz, nakapagrehistro ang DTI-Bataan ng 570 negosyo gamit ang Philippine Business Registry (PBR) mula Hulyo 2011 hanggang nitong Mayo. Nanguna sa listahan ang Cavite na may 748 rehistro at sumunod ang Batangas na may 655.
Sa Gitnang Luzon, pumangalawa ang DTI-Bulacan sa Bataan na may 432 negosyong narehistro gamit ang nasabing mas mabilis na sistema, at sinundan ng Zambales sa 84, Tarlac sa 42, Pampanga sa 40, 30 para sa Aurora, at Nueva Ecija na may dalawa lamang na narehistro gamit ang PBR.
Ang nakamit na ito ng DTI-Bataan ay sa kabila ng maliit na populasyon ng lalawigan sa tinatayang 700,000 at limitadong lawak ng lupa upang pagtayuan ng mga negosyo. Mayroong 1,372 kilometro kwadrado ng lupa ang Bataan, ang pinakamaliit na probinsya sa Gitnang Luzon.
Sinabi ni Connie Sanico, tagapamahala ng National Economic Research and Business Assistance Center ng DTI-Bataan, na pagsunod sa paggamit ng PBR ang sikreto upang makamit ang komendasyon kahit mahirap ang sistema sa umpisa.
Ang PBR ay isang sistema na nagkokonekta sa mga ahensya ng gobyerno na kailangan sa pagpaparehistro ng negosyo gaya ng DTI, Securities and Exchange Commission, Bureau of Internal Revenue, Social Security System, ang Home Development Mutual Fund o mas kilala sa PAG-IBIG, at PhilHealth.
“Kahit bago ang sistema sa amin, tiyaga talaga ang kailangan. Sumunod kami sa utos na dapat gamitin ang PBR,” ani Sanico.
Aniya, dahil sa komplikado ang PBR sa umpisa, maaaring ang lumang sistema pa rin ng pagrerehistro ang ginamit ng ibang panlalawigang opisina ng DTI na hindi mabibilang sa tala ng paggamit ng PBR.
Pinapurihan din ni Cruz sa sulat ang mga teller na sina Leonora Embido at Marissa Dela Cruz dahil sa patuloy na paggamit ng PBR na kailangan lang ng 10 minuto, kung walang problema sa sistema, upang bigyan ng mga permit ang aplikante mula sa iba’t ibang ahensya. (CLJD/JMG-PIA3)
Number of Comments: 0