Tagalog news: Tulong pangkabuhayan, pipigil sa pawikan poaching

By Jose Mari Garcia

Wednesday 4th of July 2012
LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Hulyo 4 (PIA) -- Humihingi ng tulong ang Bantay Pawikan Inc. (BPI) sa pamahalaan upang mabigyan ng alternatibong pangkabuhayan ang mga mangingisda sa bayan ng Morong na maaaring magnakaw ng mga itlog ng pawikan sa panahon na nasasalanta ng bagyo ang kanilang kabuhayan.

Sinabi ni Manolo Ibias, pangulo ng BPI, na matagal nang problema ang poaching sa naturang bayan dahil nasasabay ang pangingitlog ng mga pawikan mula Setyembre hanggang Pebrero sa panahon na mahina ang pangingisda dahil sa mga bagyo.

“Dahil sa kahirapan, may mga taong nangunguha ng itlog dahil may pera sa poaching. Natutukso ang mga tao,” ani Ibias sa isang panayam sa Pawikan Conservation Center (PCC) sa Brgy. Nagbalayong, Morong.

Aniya, ang isang pugad ng pawikan ay maaaring magtaglay ng 100 itlog na maibebenta sa halagang P20 kada tatlong piraso. Sa lundo ng pangingitlog sa Nobyembre, maaaring makahukay ang isang poacher ng anim na pugad katumbas ng 600 itlog.

Dahil dito, umapila si Ibias para sa alternatibong pangkabuhayan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga poacher.

Ayon kay Department of Science and Technology-Bataan director Rosalie Ona, maaaring magtulungan ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan at ang munispyo ng Morong para bigyan ng regular na trabaho ang mga mangingisda.

Sinabi ng dating pangulo ng Philippine Rural Reconstruction Movement na tumulong itatag ang PCC na maaari ring magtungo ang Technical Education and Skills Development Authority sa Morong upang ilahad ang kanilang mga programa.

“Pwedeng turuan ang mga tao ng kompyuter, welding, pedicure at massage. May mga hotel at private resort sa Bataan na nag-aalok ng masahe,” ani Ona.

Kaugnay nito, nagpahayag ng parehong sentimiyento ang mga boluntir ng BPI dahil nasasalanta rin ang kanilang kabuhayan ng mga bagyo at malalaking alon.

Sinabi ni Donato Angeles, 55, may limang anak, na naaapektuhan ng mga along umaabot hanggang sa 10 talampakan ang kanyang pangingisda.

“Minsan, may isang buwan na hindi kami makalaot. Iginagapang ko na lang ang mga anak ko para makapag-aral,” ani Angeles. (CLJD/JMG-PIA3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters