Tagalog news: Mariveles, makararanas ng isang araw ng power interruption
LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Hulyo 20 (PIA) -- Isang buong araw na mawawalan ng kuryente ang bayan ng Mariveles sa Hulyo 22 bunsod ng isasagawang pagsasaayos sa mga linya ng kuryente, ayon National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Magtatagal ang power interruption mula 8 n.u. hanggang 6 n.g. kung kaya “pinapayuhan ang publiko na maghanda at gumawa ng kinakailangang mga preparasyon,” ani NGCP Public Affairs Officer Lilibeth Gaydowen.
Magsasagawa ang NGCP ng interconnection sa mga contingency line sa dalawang power transmission structure nito sa kahabaang ng mga bayan ng Limay at Mariveles bilang bahagi ng pagpapabuti ng kompanya sa paghahatid ng kuryente.
“Kaagad na magbabalik ang normal na operasyon matapos ang pagsasaayos,” ani Gaydowen.
Nilinaw din ng NGCP na tutukuyin ng Peninsula Electric Cooperative (PENELCO), ang power distributor sa Bataan, ang mga lugar sa lalawigan na maaaring maapektuhan ng naturang power interruption.
Para sa mga katanungan, makipag-ugnayan kay Gaydowen sa 09175374781 o mag-email sa lpgaydowen@ngcp.ph. (CLJD/JMG-PIA 3)
Number of Comments: 0