Tagalog news: Puksain ang mga pinamumugaran ng lamok

By Camille C. Nagano

Thursday 5th of July 2012
PALAYAN CITY, Nueva Ecija Hulyo 5 (PIA) -- Nananawagan ang pamahalaaang panlalawigan sa mga Novo Ecijano na tumulong sa paghahanap at paglilinis ng mga lugar na maaring pamugaran ng lamok para mabawasan ang insidente ng Dengue Fever.

Payo ni Provincial Health Officer (PHO) Benjamin Lopez, kung may lalagnatin sa pamilya ay dalhin agad sa doktor o sa pinakamalapit na ospital.

Umangat sa 1,632 ang kaso ng dengue sa lalawigan sa unang anim na buwan ngayong taon kumpara noong nakaraan na pumalo lamang sa 1,368 sa parehong sakop na buwan.

Karamihan ng mga nagkakasakit ngayon ng Dengue Fever, ayon kay Dr. Lopez, nagkakaedad ng isang taon hanggang dalawampung taon.

Paborito umano ng mga lamok, mga babae kadalasan, ang mga lugar na matatahimik at malalamig.

Ang dengue ay napapasa mula sa kagat ng lamok na Aedes Aegypti at kumakagat tuwing umaga.

Nilalagnat, pagkakaroon ng pantal, pananakit ng ulo at kasukasuan, ang mga karaniwang sintomas ng Dengue.

Sabi ni Dr. Lopez, panatilihing malinis ang kapaligiran sa loob o labas man ng tahanan at huwag ugaliing magtapon ng basura kahit saan na makapagdudulot pa ng pagbaha.

Sa panig ng pamahalaang panlalawigan, sinabi ni Dr. Lopez na namamahagi ang PHO ng libreng larvicide o kemikal na pamuksa ng lamok at mga nets na anti-dengue treated sa mga lokal na gobyerno bukod pa sa mga seminar na ibinigay sa mga kawani ng kapitolyo at sa ibang mga bayan para maunawaan ang Dengue Fever.

Noong Lunes, Inihayag ni DOH Region III Regional Epidemiology and Surveillance Unit Officer Jesse Fantone na pumapangalawa ang Gitnang Luzon sa may pinakamataas na kaso ng dengue sa bansa.

Ang National Capital Region ay nakapagtala ng 6,241 na kaso ng Dengue; ang Gitnang Luzon naman ay mayroong mahigit sa 4,000 na kaso. (CLJD/CCN-PIA 3)


Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters