Tagalog news: 4Ps Advisory Committee nagpulong

By Dinnes Manzo

Monday 9th of July 2012
ODIONGAN, Romblon, Hulyo 9 (PIA) -- Nagpulong ang Provincial Advisory Committee ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa bayan ng Odiongan sa Romblon noong Hunyo 29.

Binuo ang naturang committee sa bisa ng Executive Order No. 06-002 series of 2012 na pinirmahan ni Governor Lolong Firmalo noong Hunyo 27 sa Romblon, Romblon.

Layunin ng komite na ayusin ang sistema at palakasin ang ugnayan ng mga ahensiya ng gobyerno para sa epektibong implementasyon ng 4Ps.

Sa kanyang mensahe, tinalakay ni provincial grievance officer Decimes F. Faalam na siya ring secretariat ng komite ang mga naisama sa listahan na may mga permanenteng trabaho na, base na rin sa isinagawang eligibility check routine II (ECR II) ng mga municipal link.

Ayon sa record, mayroong 43 recipients na nakatakdang tanggalin sa listahan bilang beneficiaries ng 4Ps.

Napagkasunduan ng komite na kailangan munang suriing mabuti ng municipal link ang pangalan ng recipients na kasama sa tatanggalin kung talagang lumagpas na ang mga ito sa itinakdang income limitation ng 4Ps.

Tinalakay rin sa pulong ang mga recipients na nais sanang tanggalin ngunit napatunayan sa ginawang evaluation ng mga municipal link na entitled pa rin sila sa nasabing programa dahil hindi umabot sa itinakdang income limitation ang kanilang kinikita sa loob ng isang buwan.

Batay sa record, mayroong 78 recipients na naisama sa listahan na nakatakdang tanggalin sa talaan bilang mga benepisyaryo ng 4Ps. Dahil dito, napagpasyahan ng grupo sa pamamagitan ng inaprubahang resolusyon na isasama pa rin sila sa listahan bilang mga recipients.

Kabilang sa mga miyembro ng bagong tatag na advisory body ng naturang programa sa ilalim ng pamamahala ng Department of Social Work and Development (DSWD) sina Governor Eduardo Firmalo bilang chairman; Provincial Social Work and Development Officer (PSWDO) June Recon, member; Provincial Health Officer (PHO) Dr.Ederlina Aguirre, member; SP member chairman on Education and Social Welfare Nelson Lim, member; Schools Division Superintendent Eve Fajutag, member; OIC-DILG Provincial Director Johnson Fopalan, member; SWAD team/regional representative Vilma C. Fos/ Edgar Nivera, member at civil society organization representative (Media-The Romblon Times/ Mata ng Bayan-Radio Natin) Emmanuel “Awe” Eranes, member. (LBR/PIO/DM/PIA 4A, Romblon)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters