Tagalog news: DepEd iinspeksyunin ang mga lugar ng palarong panrehiyon
ROMBLON, Romblon, Hulyo 11 (PIA) -- Nakatakdang magsagawa ng inspeksyon at ebalwasyon ang Department of Education (DepEd-4B) sa Romblon sa ika-12 ng Hulyo para sa darating na rehiyunal na sports competition.
Ang inspeksyon ay paghahanda para sa Mimaropa Regional Athletic Association sa 2013, kung saan host ang Romblon, Romblon sa pamumuno ni Mayor Gerard S. Montojo.
Magtutungo ang regional inspection team sa mahigit 15 tinukoy na lugar ng DepEd-Romblon at ng lokal na pamahalaan kung saan gaganapin ang kompetisyon.
Iinspeksiyunin rin ng grupo ang mga eskwelahan na gagamitin bilang pansamantalang tuluyan ng mga kalahok na atleta upang matiyak na malinis, maayos, at komportable ang mga ito.
Ang regional inspection team ay kinabibilangan nina Ramon Fiel Abcede, assistant director – OIC, Renato Pastorfide, regional administrative officer, at Arlene dela Vega, hepe ng Schools Sports Events & Activities.
Ayon kay Donna S. Lim, Education Program supervisor, agad umanong sisimulan ang paglilibot sa mga sports events venues upang makagawa ng ibayong pagpapaplano at mapaghandaan nang maaga ang paparating na palarong panrehiyon.
Pinasalamatan din ni Lim ang lahat ng mga school principal at head ng mga eskwelahan na nasa distrito ng Romblon at gayundin sa lahat mga barangay officials dahil sa 100 porsiyentong suporta ng mga ito sa malaking event na mangyayari sa kabisera ng lalawigan. (LBR/DM-PIA4B, Romblon)
Number of Comments: 0