Tagalog news: School feeding program isasagawa sa Romblon

By Dinnes Manzo

Thursday 12th of July 2012
ROMBLON, Romblon, Hulyo 12 (PIA) -- Sisimulan na sa Hulyo 16 ang Busog, Lusog, Talino (BLT) School Feeding Program para sa 200 na mag-aaral sa grade I at II sa limang eskwelahan sa bayan ng Romblon na may kakulangan sa wastong nutrisyon.

Ayon kay Jason M. Mayor, BLT Coordinator, ang naturang feeding program na magtatagal hanggang Marso 2013 ay isasagawa sa Timla Elementary School, Romblon East Central School, Cajimos Elementary School, Alad (Lamao) Elementary School at Agnipa Elementary School.

Sa pakikipagtulungan ng Jollibee Foundation, local government unit ng Romblon, tanggapan ni Mayor Gerard S. Montojo, Department of Education-Romblon, Superintendent Eve F. Fajutag, principals at mga magulang ay maisasakatuparan na ang nasabing feeding program.

Ani mayor, layunin ng programang ito na maibsan ang bilang ng mga batang kulang sa timbang upang mapanumbalik ang nutrisyon na kinakailangan ng kanilang katawan para magsipag at maging matalino sa kanilang pag-aaral.

Dagdag pa niya, ang batang busog sa masusustansiyang pagkain at may malusog na pangangatawan ay nakikinig ng maigi sa klase, may angking talino at nakakapag-isip ng mabuti sa kanilang aralin. (TBO/DM/PIA-IVB/Romblon)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters