Tagalog news: P38.7M electrification isusulong ng NEA sa Romblon
ODIONGAN, Romblon, Hulyo 15 (PIA) -- Tinatayang aabot sa 36 na sitio sa iba’t-ibang baranggay sa buong lalawigan ng Romblon ang mabi-benipesyuhan ng pailaw ng National Electrification Administration (NEA) kaugnay sa kanilang Sitio Electrification Program (SEP), na sisimulan sa taong ito.
Ito ang pormal na impormasyong nakarating sa tanggapan ni Governor Eduardo C. Firmalo base sa ipinadalang liham sa kanya ni NEA administrator Edita S. Bueno noong nakaraang buwan.
Batay sa plano para sa 2012, kung saan ipatutupad ang ang pangalang serye ng implementasyon, sasaklawan ng pailaw ang 15 sitio sa munisipyo ng Romblon na nagkakahalaga ng P13,842,386.45 na pangangasiwaan ng pamunuan ng Romblon Electric Cooperative Inc. (ROMELCO). Samantala, ang Tablas Island naman ay mabibiyayaan ang 21 sitios sa programang pailaw na nagkakahalaga ng P24,859,585.33 na isasagawa ng Tablas Island Electric Cooperative Inc. (TIELCO).
Sa kahalintulad na programa para sa 2013, iminumungkahi ng NEA official na pailawan pati ang 50 sitio sa isla ng Romblon at 64 sitio naman sa Tablas Island.
Layunin ng programang ito na mailawan ang mga kabahayan sa mga liblib na lugar kung saan napakalayo ng mga ito sa main transmission line ng kuryente.
Ang naturang mga proyekto ay tinalakay na ng Department of Budget and Management (DBM) upang mapondohan. Pagtitiyak ng NEA Administrator, oras na maaprubahan umano ito ng DBM ay agad na iri-release ang pondo sa dalawang electric cooperative para sa mabilisang implementasyon ng nasabing programa.(LBR/RSun/DM-PIA 4B, Romblon)
Number of Comments: 0