Tagalog news: Antipolo nagsagawa ng Operation Linis Creek
ANTIPOLO CITY, Rizal, June 15 (PIA) -- Patuloy pa rin ang serye ng paglilinis ng mga creek sa lungsod ng Antipolo bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.
Pinangunahan ng City Environment and Waste Management Office katuwang ang concerned departments ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig sa bahagi ng Lopezville Subdivision sa barangay Mayamot.
Ayon kay Punong Barangay Pablo Oldan Jr., malaking bagay ang pagkakaisa ng barangay at Pamahalaang Lungsod upang mapaghandaan ang kaligtasan ng mga mamamayan.
“Nagpapasalamat ako kay Mayor Nilo Leyble at sa programa ng Linis Canal sa ating lungsod. Ang aming barangay ay malapit sa Marikina na laging binabaha, tulad noong nangyari dulot ng bagyong Ondoy. Ayaw na nating maulit pa ito kaya kami ay kaisa sa paglilinis ng ating mga daluyang tubig. Hinihiling ko sa aking mga kabarangay na sundin natin ang batas na huwag manirahan sa malalapit na creeks upang maiwasan ang anumang sakuna. Hinihiling ko rin na makipagtulungan sila sa paglilinis ng mga creeks dito sa aming barangay,” sabi ni Oldan.
Pinagtulungang alisin ang mga nakabarang sanga na nakaharang sa naturang creek at pinutol ang mga damo na nagiging sanhi ng pagpigil ng agos ng tubig. Kasama ng CEWMO ang mga opisina mula sa Clean and Green, General Services Office, Task Force Manila Bay at ang barangay Mayamot. (Antipolo PIO/CPG/GG-PIA 4A, Rizal)
Number of Comments: 0