Tagalog News: DepEd may ayuda sa NCR Grade 7 students
QUEZON CITY, Hunyo 15 (PIA) -- Mag-aalok ang Department of Education (DepEd) ng tulong pinansiyal sa mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan at papasok sa ika-pitong baitang sa mga pribadong paaralan sa Quezon City at iba pang lugar sa Metro Manila.
Ayon sa press release ng DepEd, itinaas ng kagawaran sa 98 porsyento ang serbisyo nitong tinatawag na "education service contracting slot" para sa mga Grade 7 na mag-aaral na itutuloy ang kanilang secondary education sa mga pribadong paaralan.
Sabi ng DepEd, ito ay upang mahikayat ang mga papasok ng Grade 7 na ipagpatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral at upang maibsan ang pagkakaroon ng napakaraming mga enrollees sa mga pampublikong paaralan na nagdudulot sa pagsisiksikan ng mga ito.
Ayon kay Education Secretary Bro. Armin A. Luistro, FSC, ang bilang ng mga slot ay lumaki mula 190,536 nitong nakaraang school year 2011-2012 hanggang sa 377,227 slot ngayong school year sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program.
Gayundin, bilang insentibo sa mga mag-aaral sa iba't ibang panig ng bansa, itinaas ng DepEd ang halaga ng ayuda mula P 5,500 hanggang P6,500 para sa mga first year Education Service Contracting (ESC) grantee sa labas ng National Capital Region simula 2012-2013.
Ayon sa DepEd Memo 94 series of 2012, ang pagdagdag sa bilang ng mga slot ay alinsunod sa pangangailangan ng normal na kapasidad ng pampublikong paaralan sa sekondarya. (RJB/JRCA/DepEd/PIA NCR)
Number of Comments: 0