Tagalog News: Libreng medical at dental service sa Cotabato City, dinagsa
LUNGSOD NG KORONADAL, Hunyo 5 (PIA) -- Abot sa mahigit 700 na mahihirap na may sakit sa Cotabato City at kalapit na mga lugar ang nakinabang sa libreng medical at dental services, na pinangunahan ng opisina ng Maguindanao at ni Cotabato City Representative Bai Sandra Sema.
Ayon kay Sema, ito ang pinakamalaking free medical mission sa Cotabato City at Maguindanao kung saan nagsama-sama ang mga volunteer duktor, dentista, at maging ang mga sundalo.
Ang medical team sa pangunguna ni Cotabato Sanitarium Hospital Dr. Ibrahim Pangato ay nagsagawa ng mga menor na pag-opera sa mga maralitang residente ng lungsod.
Ayon kay Pangato, halos lahat ng mga pasyente lalung-lalo na ang mga bata ay may problema sa kanilang respiratory system.
Ang nasabing libreng serbisyo ay ginanap kasabay ng testimonial party ng Marine Battalion Landing Team 7 (MBLT-7) na siyang naglilingkod sa lungsod mula noong 2010 upang labanan ang terorismo at karahasan.
Napag-alamang madedestino ang MBLT-7 sa Palembang, Sultan Kudarat upang matulungan ang mga lokal na pulis sa pagsawata ng kriminalidad sa nasabing lugar. (SJD-PIA12)
Number of Comments: 0