Tagalog news: GenSan Mayor, namahagi ng 5 kompyuter sa mga PWD
LUNGSOD NG KORONADAL, Hunyo 13 (PIA) -- Ngayong buwan ng Hunyo, namahagi ng limang bagong computer units sa mga miyembro ng Persons with Disability Sector ang lokal na pamahalaan ng GenSan sa pangunguna ni City Mayor Darlene Antonino-Custodio.
Ang mga computer units ay tinanggap ni City Councilor and Committee Chairperson on Social Services Nepthale Piedad Natividad at kasalukuyang nasa pamamahala ng Office of the Senior Citizen’s Affairs kung saan limang computers din ang dating naibigay sa naturang opisina.
Layunin ng pamamahagi ng mga computer units na maitaas ang antas at kalidad ng pamumuhay ng mga taong may kapansanan maging ng mga senior citizens.
Katulad ng isinagawang pagtuturo sa mga matatanda, tuturuan din ang mga persons with disability ng basic computer operations at ang paggamit ng internet at mga social networking sites.
Ang programang ito ay isinusulong ni Mayor Custodio kaakibat ang SHEEP Computer Literacy Program upang maging globally prepared at competitive ang mga mamamayan sa lungsod ng GenSan.
Sa pamamagitan ng naturang programa, matuturuan din ang mga may kapansanan ng mga sumusunod: speed typing, introductory bookkeeping, electronic music integration, newsletter layouting at marami pang iba.
Dagdag pa dito, ninanais ng lokal na pamahalaan ng General Santos City na sa pamamagitan ng mga trainings,matutulungan ang mga benepisyaryo na mapanumbalik ang dating sigla sa kanilang buhay sa kabila ng kanilang kapansanan.(SJDuerme-PIA12)
Number of Comments: 0