Tagalog news: Mayor hiniling sa GSIS na maglaan ng calamity fund sa mga miyembro sa Glan
LUNGSOD NG KORONADAL, June 15 (PIA)--Humingi ng tulong si Glan Mayor Victor James Yap Sr. sa Government Security and Insurance System (GSIS) upang mapaglaanan ng calamity fund ang mga miyembro ng naturang ahensya na naapektuhan ng kalamidad.
Kaugnay nito, nagpadala na ng liham ang alkalde kay GSIS-General Santos Manager Maria Cecilia Vega, kung saan inihayag niya ang naranasang insidente ng bayan ng Glan noong Araw ng Kalayaan.
Naitalang abot sa P7 milyon ang inisyal na pinsala ng kalamidad.
Ayon kay Mayor Yap, sila ay lubos na nababahala sa patuloy na pagsalanta ng mga kalamidad dahil na rin sa klima at topograpiya ng kanilang lugar.
Nabatid na noong Martes, sa halip na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan, ginugol ni Mayor Yap ang kanyang panahon sa pagtulong sa mga nasalanta ng buhawi sa Barangay Cross at sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Barangay Poblacion Glan at Big Margus.
Sa tala ng local Disaster Risk Reduction and Management Office, isa ang kumpirmadong patay samantalang 765 naman ang bilang ng pamilyang apektado.
Sinalanta din ng malalaking alon ang Barangay Big Margus kung saan 15 mga bahay ang inanod.
Samantala, 54 mangingisda naman mula sa bayan ng Maasim ang naligtas ng disaster quick-response team sa pangunguna ni Police Chief Inspector Jaime Tabucon at Pedrito Lopez Jr. ng Bureau of Immigration sa bayan ng Glan.
Sa kasalukuyan, abot sa 210 na mga biktima ng baha ang inilipat sa Glan Central Elementary School at nasa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Inihayag naman ni Glan Central District Supervisor, Romeo Saya-ang na pansamantalang ililipat ang mga mag-aaral sa ibang mga gusali upang masigurong patuloy pa rin ang klase. (SJDuerme-Pia12)
Number of Comments: 0