Tagalog news: Mga sundalo sa North Cotabato, sinanay hinggil sa mga isyu sa karapatang pantao

By Shahana Joy E. Duerme

Monday 2nd of July 2012
LUNGSOD NG KORONADAL, Hulyo 2 (PIA)--Sumailalim sa pagsasanay hinggil sa mga pangunahing isyu ng karapatang pantao ang abot sa 100 sundalo ng 57th Infantry Battalion at ng special forces ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa army base sa Poblacion Makilala, Cotabato noong Biyernes, Hunyo 29.

Nabatid na ang pagsasanay ay pinangunahan ng Commission on Human Rights (CHR) 12 at nilahukan ng mga sundalong nakadestino sa mga lugar na itinuturing na “highly influenced” ng mga komunistang gerilya.

Ayon kay 57th IB Lt. Col. Noel Dela Cruz, hiniling nila ang nasabing pagsasanay sa Commission on Human Rights upang mabigyan ng sapat na impormasyon ang sandatahang lakas patungkol sa mga batas, kasunduan at iba’t-ibang polisiyang may kinalaman sa pangangalaga ng karapatang pantao.

Kaugnay nito, tinuruan din ang mga sundalo ng mga impormasyon at mga bagay-bagay patungkol sa basic economic and political rights.

Dagdag pa ni Dela Cruz, nagkaroon din ng pagtuturo hinggil sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Giit niya, ang hakbang na ito ay malaking tulong upang maturuan at masanay ang mga sundalo sa pangangalaga sa kanilang karapatang pantao at bilang pagtalima na rin sa International Humanitarian Law (IHL). (SJDuerme-PIA12)
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters