Tagalog news: Kaso ng animal bite sa Kidapawan City N. Cotabato, tumaas
LUNGSOD NG KORONADAL, Hulyo 4 (PIA) -- Abot sa 406 na kaso ng animal bite ang naitala ng City Health Office ng lungsod ng Kidapawan, North Cotabato ngayong taon na siyang nakababahala na sa mga residente ng iba’t-ibang barangay sa nasabing lungsod.
Ayon kay Assistant City Health Office officer Dr. Ted Calica, maliban sa nabanggit na bilang, may 17 kaso pang naitala ang city health office na nagmula sa mga bayan ng Makilala, Mlang at Tulunan.
Dagdag pa ni Calica, tumaas ng 89 ang bilang ng kasong naitala ngayong taon mula sa bilang na 317 nang nakaraang taon.
Mula sa kabuuang bilang na 406, napag-alamang isa ang namatay dahil sa rabies.
Kaugnay nito, isinailalim ang pamilya ng biktima sa pre-exposure treatment na pinangunahan ng city health office upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Ani Calica, ang kagat ng mga hayop katuald ng asong gala ay karaniwan lalo na tuwing tag-init kung kailan naapektuhan ng summer season ang pag-uugali ng mga ito.
Dahil dito, nananawagan naman si Calica sa mga nakagat ng aso na kaagad hugasan ang sugat at bumisita sa health center para sa anti-rabies vaccination.
Ang rabies na dulot ng kagat ng mga hayop ay delikado sa kalusugan ng mga tao at pwedeng maging sanhi ng kamatayan. (SJDuerme-PIA12)
Number of Comments: 0