Tagalog News: Kauna-unahang Processing Plant ng Panggasius sa Bulacan, itinatayo sa Sta. Maria
MALOLOS, Bulacan, Hunyo 5 (PIA) -- Nagsimula nang pumasok sa Bulacan ang mga mamumuhunan upang palakasin ang produksyon ng isdang Panggasius sa lalawigan.
Kinumpirma ni Raine Aldana, provincial director ng Department of Trade and Industry (DTI) na nakatakdang buksan ngayong Hunyo 2012 ang Fish Venture International na magsisilbing planta sa pagpopopreso ng mga produktong gawa sa isdang Panggasius.
Ipinaliwanag niya na “maraming pwedeng gawin sa isdang Panggasius. Bukod sa mga tradisyunal na mga fish fillet, makakagawa rin ng longganisa, footlong, hotdogs, tocino at kung anu-ano pa mula sa Panggasius. Ito iyong mga tinatawag na value-added products na pwedeng maging alternatibo natin sa karne. Less cholesterol pa ito kung mahilig ka sa mga products na iyon pero ngayon, gawa sa Panggasius.”
Isang Pilipinong mamumuhunan ang nagbukas ng nasabing kumpanya. Ayon pa kay Aldana, pinili nitong sa Bulacan mamuhunan dahil malapit ang lalawigan sa Metro Manila at sa mga bayan na may malaking palaisdaan ng Panggasius tulad ng Pandi at Bustos.
Base sa tala ng Provincial Agriculture Office (PAO), sa pamamagitan ng fishery technician nitong si Diane Salazar, taong 2008 nang magsimulang magpa-fish dispersal ng Panggasius ang pamahalaang panlalawigan. Naging pilot area nito ang dalawang bayan bilang bahagi ng noo’y Project Fish na pinagsanib na proyekto ng kapitolyo at Department of Agriculture (DA).
Sa ngayon, pinag-aaralan ng kasalukuyang administrasyon ni gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado kung ipagpapatuloy ang pamamahagi ng mga punla o fingerlings ng Panggasius sa mga mangingisda. Binigyang diin naman ni Aldana na handa ang DTI na magkaloob ng libreng pagsasanay sa mga mangingisda sa larangan ng marketing o paglalako sa merkado sakaling mapag-ibayo pa sa Bulacan ang produksyon ng Panggasius.
Bukod sa pag-aalaga, handa rin aniya ang DTI na magturo sa mga magsasaka kung paano makakagawa ng mga produkto o value added products mula sa Panggasius upang maging handa ang mga ito kapag ipinasok sa processing plant. “Matutulungan din namin silang makahiram ng puhunan sa ating mga government financial institutions (GFI) tulad ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP). Nandoon kasi ang pondo namin sa microfinance sa ilalim ng OTOP (One Town, One Product) at obligado silang pautangin ang sinumang nasa Small and Medium Enterprise (SME) na iindorso ng DTI. Bakit kailangang dumaan sa DTI? Para matiyak na masasanay namin sila at maganda ang kalidad ng magiging produkto. Isa pa, para masiguro na sa OTOP nga na iyon magagastos ang ipapautang ng mga bangko ng gobyerno. Tapos kahit nakautang na sila, masusubaybayan din namin ang market nila,” paliwanag pa ni Aldana.
Matatandaang pinalawig ni DTI secretary Gregory Domingo ang programang OTOP gamit ang mga ‘savings’ ng ahensiya. Sa katatapos na Philippine Economic Briefing sa Philippine International Convention Center (PICC), sinabi ni Domingo na “kailangan talagang ituloy ang OTOP dahil dito madaling makalikha ng trabaho habang natuturuan ang maraming mga Pilipino na magnegosyo lalo na sa Agribusiness. Ayon sa Magna Carta for SME’s or Republic Act No. 9501, pinalawak na ang pwedeng mahiraman ng puhunan.”
Hinikayat naman ni DA Sec. Proceso Alcala ang mga mangingisda na subukang isama sa kani-kanilang mga palaisdaan ang pag-aalaga ng Panggasius dahil nandito aniya ang malaking potensyal na dagdag kita. “Ito ang palagi kong sinasabi na namumuhunan na tayo sa Agribusiness. Ano ba iyong agribusiness, halimbawa sa Panggasius, kapag ang isdang iyan ay naiproseso at ginawang fish fillet, minsan burger na Panggasius, longganisa, hotdog at kung anu-ano pa, iyon na ang Agribusiness. Iyon bang ginagawa mong isang industriya ang isang produktong agricultural,” panghihikayat pa nito sabay sabing nakakasa nang mamahagi ng mga fingerlings ang kanyang ahensiya sa iba’t ibang lalawigan, partikular na sa Bulacan na apat na taon nang nasubukan ang pag-aalaga ng isdang Panggasius.
Nagsimula ang pag-aalaga ng isdang Panggasius sa Pilipinas noong 1981, nang ang isang Pilipinong nanggaling ng Vietnam ay nag-uwi ng ganoong uri ng isdaupang ilagay lamang sa aquarium. Ayon kay Aldana, nahuli ito sa ilog Mekong sa bahaging iyon ng Vietnam. Ang naturang ilog ay siayng pinakamahabang ilog sa Asya na bumabaybay mula sa China, Vietnam, Laos, Thailand, Myanmar hanggang India na nagsisilbing natural na irigasyon sa mga palayan sa mga nasabing bansa. Mula noon, pinag-aralan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung anong klaseng isda ang Panggasius at kung uubrang kainin. Lumabas sa pagsusuri na talaga palang nasa klasipikasyon ng mga kinakaing isda ang Panggasius kung kaya’t una itong naangkat sa Vietnam at inilako sa mga supermarket. Ito ang pinakakilalang brand ng Cream Dory na siyang nagpoproseso sa imported Panggasius Fish. (CLJD/SFV-PIA3 Bulacan)
Number of Comments: 0