Tagalog News: Mga RHU sa Calumpit na nasalanta ng bagyo, nabigyan ng libreng gamot
MALOLOS, Bulacan, Hunyo 5 (PIA) -- Nakatanggap ng libreng suplay ng gamot ang mga Rural Health Units ng mga barangay sa Calumpit na nalubog sa baha dala ng bagyong Pedring noong Setyembre 2011.
Kahun-kahong gamot na may iba’t ibang klase ang ipinadala sa RHU ng mga barangay Gatbuca, Frances, Sta.Lucia, Bulusan at Sapang Bayan. Nagmula ito sa International Organization for Migration (IOM) na pinondohan naman ng mga bansang kasapi sa European Union (EU) sa pamamagitan ng financial institution nito na European Commission (EC).
Napili ang nasabing mga barangay sa Calumpit dahil ito ang pinakamatinding nasalanta ng bagyong Pedring base sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay mayor James de Jesus, “Makakapagsimulang muli ang mga RHU natin na makapagsilbi para sa health care ng mga taga barangay sa Calumpit. Kasi noong bumagyo talagang natangay lahat, kaya importanteng nakapagbigay sila ng maraming suplay ng gamot na siguradong magagamit dahil ibinase ito sa ginawa nilang medical mission noon at nakita nila kung ano ang mga pangangailangan.”
Halimbawa sa Barangay Sta. Lucia, umabot sa 23 klase ng gamot ang ipinadala sa RHU. Pinakamarami rito ang Ascorbic Acid na may 500 milligram (mg) na nasa 1,800 na piraso, tig-1,100 naman ang Vitamin B complex at ferrous Sulfate na 325 mg, tig-400 Metoprolol na 50mg at Gliclazide na 80mg. Nasa 219 naman ang ipinamigay na Paracetamol Syrup na 5 milli liter (ml) at tig-200 na Paracetamol na 500mg at Bromhexine na 8mg. Mayroon ding tig-300 Glimepiride 2mg at Losartan 100mg, 186 na Ambroxol 5ml syrup, 165 na Ascorbic Acid syrup at 139 na Amoxicilin 5ml. Habang may mga dagdag pa na Salbutamol syrup, Pyrantel Pamoate 250mg, Disudrin drops, Clotrimazole Cream 20g, Cefalexin drops, Ascorbic Acid drops, Amoxicilin drops at Ambroxol drops na ang bilang ay nasa pagitan ng 20 hanggang 60 piraso bawat isa.
Ikinagalak naman ito ng mga residente ng mga barangay. Tulad ni Eycee Sambilay-Lacuarin na taga-Gatbuca at katatapos lamang kumuha ng kursong Narsing, ipinahayag nito na “ngayon ko lalong naintindihan na malaki ang papel ng RHU sa mga nayon kung may gamot. At buti na lang kahit na nabaha kami nang husto dito sa Gatbuca, nasuplayan kami agad ng gamot. Kasi kahit may RHU kung walang gamot, bale wala rin dahil tatakbo pa sa provincial hospital ang pasyente kung sa RHU ay pwede nang magamot ang sakit niya.”
Para naman kay Vinson Concepcion ng barangay Sta. Lucia, “Tamang-tamag inunang mabigyan ng suplay ng gamot ang mga barangay na matinding nabaha dahil nandoon ang mas nangangailangan. Pero dapat maging sustainable iyon para kahit anong oras na may nangangailangan, makakakuha ng gamot base sa rekomendasyon ng doktor na tumingin sa pasyente.”
Ayon naman kay Nona Bondoc, Operations Command ng IMO, nakapaloob ang pamamahagi ng libreng suplay ng gamot sa tatlong bahagi ng proyekto ng IMO. Kabilang diyan ang Mobile Medical Clinic, Health Education and Information Campaign at Emergency Family Health Kit Distribution. Ipinaliwanag nito na dumaan sa pag-aaral at konsultasyon ang kung anu-anong gamot ang kanilang ipamamahagi “para masiguradong matatanggap at magagamit ng benepisyaryo ang mga gamot at hindi matetengga at mabubulok sa mga RHUs.” (CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0