Tagalog News: 1,000 trabaho sa Bulakan, bubuksan ng DOLE sa Hunyo 12
MALOLOS, Bulacan, Hunyo 6 (PIA) -- Mahigit 1,000 bagong trabaho ang nakatakdang buksan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa lalawigan ng Bulacan kaugnay ng pagdiriwang ng ika-114 Guning Taong pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ayon kay Leilani Reinoso, pinuno ng DOLE-Bulacan, ang nasabing bilang ng mga oportunidad sa trabaho ay dadalin sa lalawigan ng 16 na lokal na kumpanya at 15 naman mula sa ibang bansa. “Maraming pagpipilian ang mga naghahanap ng mapapasukang trabaho dito sa Bulacan. Kung gusto [naman] nila pumunta sa ibang bansa, kasama ng 15 kumpanya na iyon ang mga ahensyang nasisiguro naming legal dahil inimbita namin sila base sa listahan na nakatala sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Kapag naman dito nila sa bansa gustong magtrabaho, iba’t ibang skill jobs at service jobs ang pwedeng aplyan,” aniya.
Kabilang sa mga bubuksang trabaho ay may kaugnayan sa manufacturing ng iba’t ibang industriya, Call Center Agents para sa lalong lumalagong Business Processing Outsourcing (BPO) at iba pang trabaho na may kaugnayan sa information and communication technology (ICT).
Pinakamarami namang kailangan sa lahat ng skill jobs sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa ay ang welder. Sinabi pa ni Reynoso na “hindi natatapos ang pangangailangan sa mga welders sa abroad dahil patuloy sa pagtaas ng pangangailangan sa paggawa ng mas maraming barko sa buong mundo. Kaya may direktang epekto sa mas maraming kailangang welders.” Nauna nang nagpahayag ang Hanjin Heavy Industry Corporation Shipbuilding sa Subic Bay, Zambales, isang malaking mamumuhunan mula sa South Korea, na kailangan pa ng kanilang kumpanya ng 7,000 karagdagang manggagawa para sa mga nakalinya pang mga barko na nakatakdang gawin.
Kaugnay nito, pinayuhan na ng DOLE ang lahat ng mga mag-aaplay na ihanda ang lahat ng mga dokumentong pangunahing kailangan. Una na riyan ang kumpletong detalye ng resume, orihinal at kopya ng mga sertipiko at iba’t ibang kridensiyal at magdala ng sariling ballpen. Huwag din anilang kalimutan na magdala ng dalawang valid I. D. para sa aktuwal na proseso ng gaganapin sa job fair.
Samantala, maghapong idadaos ang nasabing job fair na matatagpuan sa gilid na bakuran at malapit sa kampanaryo ng makasaysayang simbahan ng Barasoain. Ito ang magiging sentro ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan dahil mismong si Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III ang magiging panauhing pandangal at sesentro sa temang Kalayaan 2012: ‘Pananagutan ng Bayan, Tungo sa Tuwid na Landas.’ (CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0