Tagalog News: European Union, magtatayo ng patubig

By Shane F. Velasco

Friday 8th of June 2012
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hunyo 8 (PIA) -- Hindi na aasa sa sahod ulan ang mga palayang hindi naabot ng sistemang irigasyon patubig.

Ito’y matapos tiyakin ng European Union (EU), isang samahan ng mga bansa sa Europa na nagtataguyod ng pandaigdigang kooperasyong pang-ekonomiya, na popondohan ang small scale irrigation facilities ng mga magsasakang may rainfed na sakahan. Kabilang ang Bulacan sa limang lalawigan sa Pilipinas na pinagkalooban ng pondong mula sa EU na pawang isang grant na ang ibig sabihin ay hindi utang.

Nasa P25 milyon ang halagang inilaan para sa mga tukoy na magsasaka sa 22 na mga barangay sa mga bayan ng Angat, San Rafael, San Ildefonso, at San Miguel. Sa gawing hilagang ito ng Bulacan matatagpuan ang may pinakamataas na produksiyon ng palay sa lalawigan ayon sa talaan ng Provincial Agriculture Office (PAO). Ayon kay Gloria ‘Gigi’ SF. Carillo, pinuno ng PAO, naging batayan ng EU ang pagpili sa mga benepisyaryong magsasaka ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) sa mga lalawigan tulad ng sa Bulacan.

Pangunahing batayan dito ay ang magsasaka sa partikular na lupain, isang rainfed, o sahod ulan na lupa, may interes na magkaroon ng 10 porsiyentong bahagi ng pagbabayad sa pagbobomba ng tubig at prayoridad din kung babae ang magsasaka.

Base naman sa project briefer na inilabas ng EU, kapag pumasa na maging benepisyaryo ang isang magsasaka sa pagpopondo ng EU, kasamang pakikinabangan ng mga magsasaka ang isang regular na pagsasanay sa makabagong paraan ng pagsasaka ng palay o Techo Demo on Rice Farming. Makakatanggap din sila ng mga mataas na uri ng binhi ng palay, mais at gulay na may kalakip na mga pataba. Para naman sa sinasabing pagkakaroon ng sariling irigasyong patubig, may isang yunit ng Small Scale Irrigation Facility ang itatayo at bubuuin kada 3 ektarya ng lupang sakahan ng palay. Ang magiging sistema, 50-50 ang cost sharing sa nasabing pasilidad.

Sasagutin ng EU ang unang 50 porsiyento habang ang magsasaka na benepisyaryo ang siyang bahala sa kalahati ng magiging halaga nito. Ayon sa DA, magiging magaan sa magsasaka ang 50 porsyento dahil 10 porsyento lamang ang uubrang downpayment habang ang matitirang 40 porsiyento halaga na counterpart ay maaaring utangin at bayaran sa susunod na dalawang taong pakinabang sa Small Scale Irrigation Facility. Mayroon pang kasamang isang drum seeder at rice hulls carbonizer.

Bawat isang magsasaka na benepisyaryo ay makakatanggap din ng P26,000 na halaga ng materyales na pampagawa ng Small Scale Irrigation Facility na kinalalamnan ng motor ng patubig, small farm reservoir, motor pumps na ginagamitan ng gasolina para sa shallow tube well at dug well.

May kabuuang 573 na mga magsasakang Bulakenyo ang natukoy nang maging benepisyayaryo nito na nauna nang sumailalim sa 2 Seasons Farmers Field School bilang bahagi ng proyekto ng EU para sa seguridad sa pagkain.

Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na napapanahon ang ayudang ipinagkaloob ng EU sa mga magsasakang Bulakenyo sa layuning mapalakas ang ani at patuloy na maging self-sufficient ang lalawigan ng Bulacan sa suplay ng bigas dahil sa mataas na ani ng palay. Bukod sa mga biyayang makukuha ng 573 na mga magsasaka sa EU, nagkaloob pa si Gob. Willy ng may 16 kilo ng binhi ng ampalaya at 1,000 pakete ng micro nutrient fertilizers.

Aniya, “ang tinututukan natin dito ay matiyak na makakapag-ani ng maganda ang ating mga magsasaka. Kapag maganda ang ani’y maganda rin ang kita. At kung maganda ang kalagayan ng ating ani at kita....mapapanatili natin na self-sufficient ang lalawigan.”

Matatandaan na sa sa pambansang layunin na maging self sufficient muli ang Pilipinas sa bigas, ang pagiging self sufficient ng lahat ng lalawigan ang siyang istratehiya ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), isang lokal na research institution na nag-aaral tungkol sa mga variety ng bigas at palay sa Pilipinas, upang muling maging rice producer ang Pilipinas.

Base sa kasalukuyang Philippine Rice Self Sufficiency Master Plan (2009-2013), kinakailangang ang lahat ng lalawigan ay maging tuluy-tuloy o sustainable ang pagiging self-sufficient sa loob ng limang taon mula 2009 hanggang 2013 upang tuluyan nang maideklara ang Pilipinas na hindi na kailangang umangkat ng bigas sa ibang bansa. Sa sitwasyon ng palayan sa Bulacan, ayon sa talaan ng PhilRICE, nakapag-ani ang lalawigan ng 353,101 metric tons noong 2008.

Bahagyang bumaba naman noong mga taong 2009 dahil sa pinsala ng mga bagyong Ondoy at Pepeng na sinundan ng matinding tagtuyot noong unang bahagi ng 2010. Ngayon, ayon pa rin sa Philrice, kinakailangang makapagtala ng aning 396,507 metric tons na palay ngayong 2011, 411, 317 metric tons sa 2012 at 424, 717 sa taong 2013 upang maitala ang Bulacan sa hanay ng mga lalawigan na may patuloy na pagtaas ng ani ng palay o sustainable rice production. (CLJD/SFV-PIA3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters