Tagalog news: PPP katulong sa pagsagip sa mga batang manggagawa sa Bulacan
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hunyo 19 (PIA) -- Nagsanib pwersa ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaang nasyonal, lokal, at mga pribadong sektor sa pagsagip sa mga batang manggagawa sa lalawigan ng Bulacan.
Layunin nito na maging abala ang mga batang ito sa paghawak ng lapis, papel, at aklat sa halip na mga mabibigat na kasangkapan sa pagtatrabaho. Ayon kay Provincial Social Welfare Development Officer (PSWDO) Rowena Joson-Tiongson, bumaba na sa 621 na lamang ang bilang ng mga batang manggagawa sa Bulacan mula sa mahigit 6,000 kaso noong 2006.
“Ito ang resulta ng pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na maialis natin ang mga batang ito sa lugar na hindi akma para sa kanilang edad. Unti-unti, naipapasok na natin sila sa paaralan mula sa mga pagawaan,” aniya.
Noong 2006, ibinalangkas ng Provincial Committee on Child Labor (PCCL) na may mandatong tulungan ang mga batang manggagawa na bumalik o pumasok sa paaralan. Ito rin ang umaagapay sa mga magulang ng mga batang nasasagip na bigyan ng alternatibong kabuhayan upang hindi na muling bumalik sa pagiging batang manggagawa ang kanilang mga anak.
Ngayong taon, may karagdagang 300 sa natitirang 621 na kaso ng child labor ang naipasok na sa mga paaralan. Bilang "pabaon," nagkaloob si Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado ng tig-iisang backpack na may lamang tatlong kwaderno, dalawang lapis, at pambura. Iba pa riyan ang pasunod na libreng gupit bilang bahagi ng paghahanda sa pasukan.
Kaugnay nito, nagbigay rin ng 800 na textbooks para sa iba’t ibang asignatura sa elementarya at mga long plastic envelope na naglalaman ng mga art and coloring materials ang SM Supermalls sa sangay nito sa bayan ng Marilao.
Noon pa man, katuwang na natin ang mga pribadong sektor sa paglingap sa mga batang manggagawa. Pinakamalaking naging katuwang natin diyan ang World Vision kaya’t ang programa ng PCCL ay isang buhay na halimbawa ng aktibong Public-Private Partnership (PPP), dagdag pa ni Tiongson.
Samantala, tiniyak naman ni Leilani Reynoso, provincial director ng Department of Labor and Employment (DOLE), na tututukan ng ahensiya ang mga magulang at isasailalim nila ang mga ito sa libreng livelihood training. Pagkakalooban din nila ito ng puhunan upang masigurong makakapagsimula sila ng hanapbuhay na magiging sapat upang patuloy na makapag-aral ang mga bata hanggang sa makatapos at nang hindi na magbalik ang kanilang mga anak sa pagiging "child laborer."
(CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0