Tagalog news: Bataan, may pinakamataas na Human Development Index sa Gitnang Luzon
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hunyo 25 (PIA) -- Nagtala ng may pinakamababang bilang ng mga mahihirap ang lalawigan ng Bataan matapos manguna ito sa Human Development Index sa buong gitnang Luzon.
Ipinagmalaki ni Kinatawan Albert Raymond Garcia ng Ikalawang Distrito ng Bataan, sa ginanap na 4th Regional Development Council-Private Sector Representatives’ National Convention sa Mariveles, Bataan, na kinumpirma na ng National Economic Development Authority (NEDA) na ang lalawigan ang nangunguna sa may pinakamataas na antas ng pamumuhay sa rehiyon at pang-apat naman sa buong Pilipinas.
Ayon kay Garcia, “Simple lang ang istratehiya ng Bataan kung bakit natamo ang tagumpay sa paglaban sa kahirapan, ang lahat ng yaman at kinikita ng lalawigan ay ipinupuhunan sa edukasyon, kalusugan, pagsuporta sa mga magsasaka, at pagbubukas ng mga oportunidad sa trabaho at hanapbuhay. Iyan ang simbulo ng mabuting paniniwala na may pagkalinga sa mga mamamayan.”
Inayunan naman ito ni Balanga Mayor Joed Garcia at nabanggit nitong malaking bahagi ng kanilang pondo ang inilalaan nila para sa edukasyon ng mga kabataan dahil inihahanda nila ang mga ito sa mga industriyang pumapasok sa lalawigan.
Kaugnay nito, pinapurihan ng NEDA ang Bataan dahil sa masiglang ‘klima ng pamumuhunan’ sa lalawigan. Patunay rito ang laganap na Public-Private Partnership (PPP) upang isulong ang mga pangunahing imprastraktura sa lalawigan gaya ng mga palengke, paaralan, at ibang komersiyal na establisemento.
Tiniyak naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region III na patuloy na pananatilihin ang maayos at magandang kondisyon ng Gapan-Olongapo road na may bahaging tumatahak sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Abucay, at Balanga.
Samantala, ang pagkakatayo ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), na may lagusan sa Dinalupihan, ay malaki ang naitulong sa mga mangangalakal dahil napapabilis nito ang biyahe mula Maynila patungong Bataan. At inaasahan din na madadagdagan pa ang bilang ng mga namumuhunan sa Bataan dahil madali nang marating mula sa SCTEX ang Freeport Area of Bataan (FAB) na isang bagong ‘tax-inceptive hub’ para sa mga negosyante sa bahaging ito ng peninsula. (CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0