Tagalog news: Lupa bilang kapital ng mga magsasaka, legal ayon kay Sec. De Lima
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 7 (PIA) -- Uubrang maging kolateral ng mga magsasaka ang kanilang lupang sakahang pag-aari upang makahiram ng puhunan para sa pagpapalakas ng ani.
Ito ang legal na opinyon na ipinahayag ni Department of Justice Secretary Leila De Lima sa isang pagbisita sa Bulacan kamakailan kung saan binigyang diin niya na walang nilalabag sa konstitusyon ang House bill 825.
Para sa kanya, “pag-uusap ito tungkol sa pagpapatupad ng statute law o iyong mga republic acts. Kaya ang Kongreso ang may kapangyarihan na ipasa ang isang panukalang batas. Papaano maipapatupad ang isang batas na magbubukas ng pautang sa mga magsasaka kung wala namang maikokolateral ang mga magsasaka? At kung bawal ikolateral ang isang lupang sakahan, hindi nga uubra. Pero ang timano na amyendahan ng Kongreso ang batas na nagbabawal na gawing kolateral ang lupa, at gawing pwede na, ang principle diyan ay any inconsistencies of the new law to the old law will be repeal or modified accordingly (ang prinsipyo diyan ay kahit anong pagkakaiba ng bagong batas sa luma ay kailangang baguhin o ayusin sa tamang paraan).”
Sa House Bill 825, bubuksan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pintuan nito upang mapahintulutan ang mga magsasakang nais mapalaki ang puhunan sa pamamagitan na gawing kolateral ang kanilang lupa.
Layunin nito na mapadali ang access ng mga magsasaka sa anumang "credit support at farm input" na inilalako ng pamahalaang nasyonal sang-ayon sa itinatadhana ng Agri-Agra Law o Republic Act 10000 na nilagdaan noong Enero 2010.
Ayon sa batas na ito, mas pinalawak ang mga opsiyon upang makautang ang mga magsasaka ng karagdagang puhunan.
Sa hiwalay na panayam kay Teodoro Inocencio, direktor ng DAR sa gitnang Luzon, sa ginanap na Regional Development Council, sinabi nito na “DAR is really open for making agricultural land as loan collateral with a heavy safeguard (Bukas ang DAR sa paggamit ng lupang agrikultural bilang kolateral na may matibay na katiyakan) na hindi maargabyado ang mga magsasaka. Babantayan namin sa DAR ang mahigpit na pagpapatupad nito.”
Ipinaliwanag pa niya na bagama’t bukas ang lahat ng credit options dahil sa Republic Act 10000, nananatiling mahirap pa rin sa mga magsasaka na makautang dahil walang maikolateral ang mga ito. Kaya naman iniendorso ng DAR sa Kongreso na ipasa ang House bill no. 825 na nag-aamyenda sa probisyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program o Republic Act 6657 Sections 27 at 71 upang alisin ang pagbabawal sa mga lupang sakahan na maging kolateral.
Ang Republic Act 6657 ay nilagdaan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino noong Hunyo 15, 1988. Sa House Bill no. 825, ang pag-aamyenda nito ay magpapadali na makautang ang mga magsasaka sa bangko o mga kooperatiba dahil may tiyak nang ubrang gawing kolateral.
Inayunan naman ni Dr. Reynaldo S. Naguit, dekano ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) at pangunahing propesor na nagtuturo ng konstitusyon, na walang masama sa pagiging koletal ng lupa basta’t may "safeguard provision dito."
“Talaga namang ang lupa ay yaman o asset ng mga magsasaka. Kaya’t bayaan natin na gawing kolateral ito upang mapaunlad ng mga magsasaka ang kanilang sakahan tulad ng pataba, paggawa ng balong patubig, magresearch, magkaroon ng dryer o patuyuan para hindi ibinibilad ang palay o mais at saka binhi. Pero dapat tiyaking hindi mapapaikot ang mga magsasaka,” paliuwanag pa nito.
Ganoon din ang pananaw ni Prop. Albert del Rosario ng CSSP. “OK lang iyon basta’t hindi maiisahan ang mga magsasaka. Baka mamaya nagmamalaki tayo na nakapagkaloob tayo ng titulo tapos mababawi rin pala ng mga landlords dahil naging kolateral sa utang, eh masama naman iyon,” aniya.
Tiniyak naman ni Dir. Inocencio na hindi mapapahintulutan ng DAR na dumating ang puntong ang isang magsasaka ay mawawalan ng lupa dahil sa hindi nakabayad ng utang. Ang sistema, “safeguard is the production cost. DAR and Land Bank of the Philippines (LBP) will supervise credit lines to the farmers na kung saan sa bawat pag-ani o pagkita ng isang nangutang na magsasaka ay matitiyak na makakahulog ito hanggang mabayaran at hindi maremata ang lupa,” aniya. (CLJD/SFV-PIA 3)
Number of Comments: 0