Tagalog news: Nat'l Heritage Act, mahigpit na ipapatupad ng NHCP sa Malolos
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 25 (PIA) -- Mahigpit na ipapatupad ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Malolos ang National Heritage Act.
Tiniyak ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Director Luduvico Badoy na maghihigpit ang komisyon sa usapin ng pagpapagiba, renobasyon, o anumang rehabilitasyon upang manatili ang orihinal na istraktura ng mga makasaysayang istraktura at pook sa lungsod. Bahagi aniya ito ng malawakang preserbasyon ng mga lugar na may panandang pangkasaysayang sang-ayon sa probisyon ng Republic Act 10066 o ang National Heritage Act of 2010.
Sa Malolos, hindi mabibilang ang dami ng mga makasaysayang pook gaya ng simbahan, bahay, parke, tulay, at maging ng gusaling pampamahalaan.
Una na rito ang Basilica Minore ng Malolos na nagsilbing Palacio Presidencial at ang simbahan ng Barasoain na nagsilbing session hall ng Kongreso ng Malolos, na siyang nagpatibay sa Saligang Batas ng Malolos noong 1899 na nagbunsod sa pagpapasinaya sa Pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa Asya.
Ipinaliwanag ni Badoy na, “Ang Malolos bilang kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas, nakapaligid sa kabayanan ang mga makasaysayang bahay na nagsilbing tanggapan ng mga ahensiya ng republika. Nandiyan ang Departamento de Interior na Department of Interior and Local Government (DILG), Departamento de Fomento na magkakahiwalay na department of agriculture, education, social welfare at trade. Pati ang Departamento de Exterior na siyang unang Department of Foreign Affairs. Lahat nang ito ay pangangalagaan ng batas na Republic Act 10066 o National Heritage Act.”
Pangunahing nilalaman ng nasabing batas na bago magkaroon ng demolisyon o rehabilitasyon sa itinuturing na makasaysayang lugar, kinakailangan muna ang pahintulot ng NHCP.
Nabuo ang probisyon ng batas na ito sa kasagsagan na naging walang habas ang pagbibigay ng permiso ng ilang pamahalaang lokal upang gibain ang mga tukoy na makasaysayang lugar. Halimbawa na rito ang pagkakagiba sa isang bahay sa Malolos na naging tanggapan ng Departamento de Agraryo, na ngayon ay kinatatayuan na lamang ng isang mall. Pati ang dating kinatatayuan ng Departamento de Guerra, na ngayon ay Department of Public Works and Highways at Department of Transportation and Communications ay nagiba na rin at isa na lamang terminal ng mga dyip.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Mayor Christian Natividad sa naging positibong tugon ng NHCP upang ipreserba ang mga panandang pangkasaysayan ng lungsod kasunod ng kahilingan ng pamahalaang lungsod ng Malolos na makatuwang ang komisyon sa pagsusulong ng kamalayan sa karaniwang mamamayan sa tunay na halaga ng kasaysayan ng lungsod. (CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0